Pondo ng CCT gamitin sa imprastrakturang kailangan para dumami ang trabaho

Read the English version here.

Nagmungkahi ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gamitin ang pondo para sa Conditional Cash Transfer program para sa mga imprastraktura na kailangan para magkaroon ng maraming trabaho at madama ng mas marami ang paglago ng ating ekonomiya.

Sa kanyang pagharap sa “Kapihan sa Manila Hotel” media forum tinukoy ni Marcos na sa kabila ng ipinagmamalaki ng gobyerno na paglago ng ekonomiya hindi naman ito nararamdaman ng karamihan sa ating mga kababayan.

“Hindi dadami ang trabaho kung hindi lalago ang ekonomiya. Ngayon sinasabi ng gobyerno na maganda ang ating ekonomiya pero hindi ito nararamdaman ng karaniwang tao. Nararamdaman lamang ito ng malalaking korporasyon, ng mga mayayaman,” ani Marcos.

“May malaki tayong problema sa mga polisiya para sa distribution of wealth,” giit ng Senador.

Panahon na siguro, ayon kay Marcos, na pag-aralan ang polisiya ng CCT dahil sa kabila ng P65 bilyong pondo para dito taun-taon hindi halos nababago ang poverty rate, literacy rate at mortality rate.

“Siguro ito na yung sinasabing point of diminishing returns. Baka mas maganda gastusin natin ang perang iyan para sa mga paaralan, ospital, kalsada, tulay, power plant, ayusin ang ating internet connection, bagong airports—lahat ng mga ganitong bagay ay pwede nating gawin,” ayon kay Marcos.

Ang mga imprastrakturang katulad nito, giit ni Marcos, ay kinakailangan para sa paglago ng ekonomiya at pagkakaroon ng mas maraming trabaho lalo na para sa mga mahihirap.

Para magkaroon ng mas maraming trabaho sinabi ni Marcos na dapat bigyan ng gobyerno ng mas madaling sistema para makakuha ng murang pautang ang mga small and medium-sized enterprises na siyang bumubuhay ng ating ekonomiya. Maliban dito sinabi ni Marcos na nasa pribadong sektor ang halos 90 porsyento ng ating mga manggagawa.

Mungkahi din ni Marcos na baguhin ng TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) ang kanilang mga kurso upang siguruhin na handa ang ating mga manggagawa na makipagkumpitensya sa ating mga karatig bansa sa pagdating ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) integration.

Nauna rito sinabi ni Marcos na kung mananalo bilang Bise-Presidente sa 2016 at papipiliin siya ng pwesto mas nais niyang maglingkod sa Department of Labor and Employment.

“Pwede nating mapabuti ang serbisyo ng DOLE kahit walang mga bagong polisiya at batas sa isyu ng proteksyon sa ating mga manggagawa, paghahanda sa kanila sa pagtatrabaho sa pribadong sektor, at pagtulong sa ating mga OFW,” ani Marcos.

Muli ring nanindigan si Marcos laban sa kontraktwalisasyon.

“Sa ilalim ng ating mga batas may proteksyon at benepisyo na ibinigay para sa ating mga manggagawa at dapat nating ipatupad ang mga ito,” giit ni Marcos.

Back to Blog