Police Files Tonite – Pilay na bibe

By Bobot Fradejas | Police Files Tonite

LABIMPITONG buwan na lamang at magwawakas ang termino ni Rodrigo Duterte. Hindi dapat paniwalaan ang kanilang propaganda na malakas ang kanyang gobyerno. Nangawala na ang mga dating tagasuporta. Kasamang nawala ang lakas ng kanyang pangangatawan. Hindi sila mananalo sa 2022. Malayong mangyari.

Nawala ang mga national democrats, o nat-dems,na kasamang nagpanalo sa kanya sa halalan noong 2016. Pinagtatanggal ni Duterte ang mga nat-dems sa gobyerno, pinagpapatay ang iba, at itinigil ang peace talks, o usapang pangkapayapaan. Imposibleng bumalik sa kanya ang mga nat-dems. Hahanap ang mga nat-dems ng bagong kaalyado at hindi si Duterte.

Nawala ang isang paksyon ng PDP-Laban, ang naghaharing lapian. Sinusuportahan ng paksyon ni Koko Pimentel si Manny Pacquiao, kandidato ng PDP-Laban sa pampanguluhan na halalan sa 2022. Nakakagulat na hindi na dumikit ang PDP-Laban sa Grupong Davao City. Mahahati ang puwersa ng Mindanao na sumuporta kay Duterte noong 2016.

Susuportahan kaya ni Duterte ang pamilya Marcos na nagbabalak na ilunsad ang kandidatura ni Bongbong Marcos sa panguluhan? Isa ang mga Marcos sa malalaking pamilya na sumuporta kay Duterte noong 2016. Sumuporta kay Duterte ang mga pamilya ng Villar at GMA. Wala silang pasya hanggang ngayon. Nagmamasid at nag-uusap sa gitna ng pandemya.

Sumuporta kay Duterte ang mga Nacionalista Party, National Unity Party, at ilang pang maliit na lapian bagaman kasangkapan ng malalaking pamilyang politikal, o tinatawag na political dynasty. Hindi malaman kung susuporta sila sa ilalaban ng Grupong Davao City sa 2022.

May balita na isasabak ni Duterte ang kanyang anak na si Sara, ang kasalukuyang alkalde ng Davao City, bilang kahalili sa 2022. Kung hindi tanggapin ng mga botante, maaari niyang isabak ang kanyang matapat na ayudante na si Bong Go. Hindi pa malinaw kung sino sa kanila ang tatakbo kahit malinaw ang mga nagbabalak.

Nandiyan si Ping Lacson, Dick Gordon, at Alan Peter Cayetano. Walang dingas ang kanilang mga pangarap. Hindi nakikiliti ang masang botante sapagkat “trapo” (traditional politician) ang tingin sa kanila. Mistula silang basahan ng pulitika ng bansa. Umaasinta rin si Bebot Alvarez na umalis a PDP-Laban at sumama sa Reporma, isang tulog na lapian.

Lameduck, o pilay na bibe, ang tingin kay Duterte. May poder ngunit walang lakas. Maingay ngunit walang kagat. May pakpak ngunit hindi makalipad. Wala na siyang kamandag. Walang dangal na ihahandog sa bayan.

Tatlong “T” ang dahilan bakit papalubog si Duterte. Ayon sa kaibigan na netizen, “taksil sa bayan” si Duterte sapagkat pabor sa mga Intsik. Tuta siya ng China – iyan ang tingin sa kanya.

“Tamad sa trabaho” si Duterte sapagkat hindi siya nakikita sa gitna ng kalamidad at sakuna. Pangatlong “T” ang pagiging “tanga” sa mga isyu. Hindi namin alam kung bakit hindi isinama ang pang-apat na “T,” o takaw sa nakaw na pondo ng bayan. Hindi ordinaryo ang nakawan sa ilalim ng termino ni Duterte. Bilyones at hindi milyones.

Kung susumahin ang termino ni Duterte, wala siyang nagawa kundi ang malawakang patayan sa ilalim ng kanyang bigong digmaan kontra ilegal na droga at bigyan ng trabaho ang ilang heneral na pulis at militar. Marami ang salitaan, murahan at takutan ngunit wala ang performance.

***

NALULUSAW ang koalisyon ni Duterte dahil sa kawalan ng nagawa. Kanya-kanyang diskarte na sapagkat napakinabangan na siya. Wala na siyang silbi. Kaya uunahin nila ang ambisyon. Sila naman ang uugit ng pamahalaan.

Paano gigiyahan ang pamahalaan? Ambisyoso ngunit hindi malinaw kung paano magpapatakbo ng gobyerno. Walang malinaw na plataporma de gobyerno. Ang tanging mayroon sila ay pangalan at ang mga ninakaw sa gobyerno.

Hindi namin alam kung ipapanalo ng Grupong Davao si Sara o Bong Go. Malaking tanong kung lalabas ang mga kaalyado upang iproklama si Sara. Hindi puede na mga troll ang lumabas dahil hindi sila totoong tao. Hindi naililipat sa anak ang tikas sa pulitika. Non-transferable ito.

Hindi basta nananalo ang itinuring na alila. Walang laman ang ulo. Walang matinong accomplishment. Ganoon lang. Siya ang itinuturing na koneksyon ng China sa Fiipinas.

***

SA nalulusaw na koalisyon ni Duterte, babalik ang matinding laban sa koalisyon ng puwersang demokratiko o oposisyon. Huwag magtaka kung magkaroon ng koalisyon ang puwersang oposisyon at nat-dem. Walang pupuntahan ang dalawang grupo kundi magkaisa at magsama laban sa iisang kalaban – si Duterte.

Dating magkasama ang mga puwersa na iyan noong kasagsagan ng diktadurya ni Ferdinand Marcos. Nagkahiwalay ng landas bagaman hindi naging magkaaway. Magkaiba ang paniniwala sa maraming bagay. Pilit na pinaghihiwalay ni Duterte ang dalawang pangkat at makikita iyan sa mga pinagsasabi ni Delfin Lorenzana.

***

HINDI pa nararamdaman ang pagpapalit ng pamahalaan sa Estados Unidos. Wala na sa poder ang hambog at palalong Donald Trump. Pinalitan siya ng mas matinong pangulo na si Joe Biden. Democrat na ang namumuno at hindi ang mga magugulong Republican.

Ngunit may senyal na may pagbabago sa Filipinas. Hindi pinaporma ng Korte Suprema si BBM at kampo. Sinuportahan ng Korte Suprema si Associate Justice Marvic Leonen na naatasan na hawakan ang electoral protest ni BBM sa Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal. Hindi pa tapos ang asunto.

Ganap na mararamdaman ang pagpapalit ng gobyerno sa Amerika kapag pinalaya si Leila de Lima na ipiniit dahil sa mga pinagtagpi-tagping kaso. Matindi ang babala ng Kongreso ng Estados Unidos. Gaganti ng matindi kapag hindi pinalaya ni Duterte ang butihing senadora. Nasa kanila ang lokal na Magnitsky Law at Global Magnitsky Law.

***

MGA PILING SALITA: “Bawal mangolekta ng campaign contributions dahil nandiyan ang mga commissioner ng baliw sa Comelec. Hindi pa panahon ng kampanya. Pero hindi bawal magsabi ng opinyon. Malayang bansa ang Filipinas at maaari nating sabihin ang ating saloobin ng walang kinakatakutan. Hindi labag sa batas ang magsabi ng opinyon. Pagdating ng tamang panahon, isa ako sa magbibigay ng aking makakayanan sa kandidatong babaligtad sa mga pinaggagawa ni Duterte. Iyong hindi taksil sa bayan, tamad sa trabaho, at tatanga-tanga sa maraming usapin na humaharap sa bayan. Kahit maliit, ibibigay ko.” PL,netizen

Back to Blog