“Plan B” kung hindi maipasa ang Bangsamoro Law, para ipagpatuloy ang proseso ng kapayapaan

Read the English version.

Ang “Plan B” na dapat gawin kung hindi maipasa ang Basic Law para sa Bangsamoro Autonomous Region ay upang sundan ang intensyon ng “Plan A”: ipagpatuloy ang pasisikap na magkaroon ng kapayapaan sa Muslim Mindanao.

Ito ang sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos magpahayag ng pagkabahala ang Third Party Monitoring Team (TPMT) sa pagkabinbin ng Bangsamoro Law at ang posibilidad na ang ipasang bersyon ay hindi umaayon sa Comprehensive Agreeement on the Bangsamoro (CAB).

Ang TPMT ay itinatag ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front para i-monitor ang implementasyon ng Framework Agreement ng Bangsamoro na nilagdaan sa pagitan ng dalawang partido noong Oct. 15, 2012.

“Titingnan natin kung ano pa ang magagawa namin sa natitirang mga araw ng sesyon pero kung hindi man maipasa ang BLBAR kumpyansa ako na kahit ang susunod na Administrasyon ay ipagpapatuloy ang paghahanap ng kapayapaan sa Muslim Mindanao dahil kailangan ito para makamtan ang pag-unlad at progreso hindi lamang ng Mindanao kundi ng ating buong bansa,” ani Marcos.

“Gaano man kahaba ang ating lalakbayin tungo sa kapayapaan makakarating tayo kung ang lahat ay patuloy na magpapakita ng kagandahang loob at sinseridad,” dagdag pa niya.

Ayon kay Marcos kung hindi pumasa ang Bangsamoro Law sa ilalim ng kasalukuyang Administrasyon hindi naman masasayang ang oras, pagod, at resources na ginamit dahil sa maaari namang gamitin ng susunod na Kongreso ang talaan ng deliberasyon para mapabilis ang pagpasa ng panukala.

“Bagamat mahalagang masunod ng Bangsamoro Law ang intensyon ng CAB mas importante umanong umaayon sa Konstitusyon ang pinal na bersyon nito dahil kung hindi ay hindi rin ito maipatutupad,” ani Marcos.

Itinuwid din ng Senador ang pananaw ni TPMT Chairman Alistair MacDonald na tila hindi umuusad ang Bangsamoro Law sa Senado kumpara sa House of Representatives na tinapos ang period of interpellation bago mag-adjourn para sa Kapaskuhan.

“Maraming oras ang ginugol namin para sagutin ang mga katanungan sa BLBAR at bawat isyung naging malinaw, bawat katanungang nasagot ay nagdadala sa atin palapit sa pinal na bersyon na hindi lamang ayon sa Konstitusyon kundi patas sa lahat at magdudulot ng resultang ating inaasahan,” giit ni Marcos.

“Mas mabuting mabusisi na natin lahat ng katanungan ngayon at masolusyonan lahat ng maaaring maging problema kaysa magmadali at pagkaraan ng panahon ay magsisi tayo,” dagdag pa niya.

Back to Blog