Philippine National Police – Values formation sa mga pulis, iminungkahi ni Senador Bongbong Marcos

SPO1 Eric B. Fernandez | Official Homepage of the Philippine National Police

legal3dilgpnp1Iminungkahi ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na panahon na upang isulong ang values formation sa mga pulis para malaman ang kanilang pangunahing tungkulin na dapat unahin ang pagseserbisyo at ang kapakanan ng ating mamamayan, ito ang kanyang naging suhestiyon sa kabila ng mga isyung kinakaharap sa ngayon ng pambansang pulisya.

Panahon na rin aniya na dapat bigyan ng prayoridad ang mga pangunahing pangangailangan ng ating mga pulis gaya ng pagkain sa kanilang pamilya at ang pag-aaral ng kanilang mga anak upang mas lalo nilang magampanan ang kanilang responsibilidad at tungkulin sa ating bayan.

Aminado rin ang nasabing Senador na mahina at mababa ang ibinibigay na sahod sa mga pulis, dahilan upang humanap ng ibang pagkakakitaan ang mga ito na kung minsan ay humahantong pa sa hindi kanais-nais na paraan gaya ng kinakaharap sa ngayon ng mga ibang pulis.

Dapat ding paigtingin aniya ang “screening process” partikular sa mga gustong mag-apply o maging isang pulis, kung sila nga ba ay may dedikasyon at may malinis na pakay na maging isang alagad ng batas sa hinaharap.

Naniniwala din siya na kapag naresolba ang mga usaping ito ay muling mapapanumbalik ang kumpiyansa at pagtitiwala ng mamamayan sa ating kapulisan.

*Live phone patch report of SPO1 Eric B. Fernandez, PNP Correspondent, Office of the Spokesperson of the Chief PNP, Directorate for Operations aired over DWIZ 882 Khz AM (Pulis at your Serbis) @ 12:35 PM, Saturday / September 13, 2014 with Ms. Flory Gabitan as program anchor.  

Back to Blog