People’s Journal – Gobyernong Aquino kinastigo ni Marcos

By Marlon Purificacion | Journal Online

Featured-Image-Journal-OnlineKINASTIGO kahapon ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang administrasyong Aquino dahil sa hindi maayos na pagtrato sa kaso ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mistula pang naging dahilan para magkaroon ng “constitutional crisis.”

Tinawag ni Marcos ang P-Noy administration sa pagiging mapagpili at partisano sa mga kasong nais nilang ipatupad.

“They are very selective in their application of the use of power of the executive and that selection is according to political and partisan consideration,” sabi ni Marcos.

Inihalimbawa ng batang senador ang kaso ng Maguindanao Massacre na dalawang taon nang ginugunita ngayon.

Aniya, kung kayang gawin ito sa isang dating pangulo na katulad ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, dapat ay ganito na rin ang pagtrato sa pagdinig sa Maguindanao Massacre.

“Kung gugustuhin ng DOJ at prosecutor, may paraan naman na gawing mabilis kagaya ng nakita natin eh wala pang isang araw nag-file sila ng complaint, nakapag-issue ng arrest warrant in less than a day,” sabi pa niya.

Ang nakalulungkot, ayon pa kay Marcos, pati Supreme Court ay mistulang nilapastangan ng executive department para lamang ma-prosecute nang wala sa lugar si Mrs. Arroyo.

“It’s been one year and almost six months na nakaupo na si Pangulong Aquino, bakit ang tagal-tagal bago kinasuhan para magkaroon ng hold order? Kung kinasuhan nang mas maaga at sinasabi naman nila na napakarami nilang ebidensya, lahat ng gulong ito ay hindi nangyari dahil mayroon na siyang kaso, mayroon na siyang hold order,” dagdag pa ni Marcos.

Back to Blog