Payo ni Sen. Marcos sa youth leaders: Pakinggan ang paala-ala ni Ms. Universe Pia Alonzo Wurtzbach

Read the English version.

Pinayuhan ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mga youth leaders ng bansa na pakinggan ang paala-ala ni 2015 Miss Universe Pia Alonzo Wurtzbach.

Ginawa ni Marcos ang pahayag sa kanyang inspirational message sa pagdiriwang ng “16th year of Philippine Youth” na ginanap sa Pasig City nitong Lunes ng gabi para parangalan ang mga natatanging youth leaders ng bansa.

“Maganda po ang mga salitang binanggit ng ating kadugo at orihinal na Miss Universe, na akmang akma sa okasyon natin ngayong gabi,” ani Marcos. Partikular na tinukoy ni Marcos ang pahayag ni Pia Wurtzbach na ang pagiging Miss Universe “is both an honor and responsibility.”

“Hindi lamang kayo ang hinirang na nagwagi sa mga patimpalak o sa kumpetisyon. Dahil naparito kayo dito, dala-dala ninyo ang bigat ng responsibilidad na tumayo at magsilbing huwaran sa iba,” dagdag pa ng Senador.

Maari ding gawing inspirasyon ng mga kabataan ang buhay ng ating mga bayani, ani Marcos, gayun din ang mga itinuturing na mga “modern day heroes”, katulad ng 19-taong gulang na Tomasinong si Welson Chua na pinatay dahil sa pagbubulgar ng katiwalian sa kanilang paaralan.

Tinukoy din ni Marcos ang kaso ng 18-taong si Muelmar Magallanes na namatay na isang bayani matapos sagipin ang buhay ng 30 katao sa kasagsagan ng pagbaha noong bagyong Ondoy.

Pero hindi naman kailangang ibuwis ang buhay para maging isang bayani, ani Marcos.

Pwede rin namang tularan ng kabataan ang pagpupursigi ni Manny Pacquiao na naging world champion sa edad na 23, at ng Ateneo graduate na si Sabrina Ongkiko na ninais magsilbi bilang guro sa public school sa isang mahirap na distrito sa Quezon City, ayon sa Senador.

Maliban dito, kahit ang paggawa ng mga simpleng bagay ay pwedeng maging inspirasyon sa iba, tulad na lamang ng 9-taong batang si Daniel Cabrera na nakuhanan ng larawan habang matiyagang nag-aaral gamit lamang ang ilaw ng McDonald’s sa Cebu, dagdag pa ng Senador.

Bilang Senador, isinulong ni Marcos ang interes ng kabataan. Siya ang nanguna sa Senado sa pagpasa ng SK (Sangguniang Kabataan) Reform Bill na naglalayong mabigyan ng mas malawak na kakayahan ang mga kabataan at ihanda sila sa pagharap sa mas mabigat na responsibilidad sa kinabukasan.

Back to Blog