Payo ni Sen. Marcos sa bagong mag-asawa: May Forever! “Panatilihing maalab ang pagmamahalan para sa habambuhay na pagsasama”

Ang plataporma ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa kanyang kanditatura bilang bise presidente ay nakasandal sa mensahe ng pagkakaisa ng bansang Pilipinas at hindi kaiba rito ang kanyang payo sa mga bagong kasal sa Pangasinan nitong nakaraang Biyernes: panatilihing maalab ang pagmamahalan para sa habambuhay na pagsasama.

Saglit na nagpahinga sa kanyang pangangampanya sa Pangasinan si Marcos para mag-ninong sa 37 magsing-irog na ikakasal noon sa mass wedding sa municipal auditorium ng bayan ng San Quintin sa naturang probinsya.

“Bawat araw isipin ninyo na bagong kasal lang kayo. Sa ganung paraan mananatiling sariwa ang inyong pagmamahalan, laging bago ang lahat, at patuloy kayong mangangarap para sa inyong patuloy na pagsasama habang panahon ng inyong buhay,” ani Marcos.

Ayon sa senador ang pag-ibig na nagdala sa bawat pares para marating ang araw ng kanilang kasal ang siya ring paghuhugutan ng lakas at determinasyon nila para manatiling nagsasama sa harap man ng maraming pagsubok at paghihirap.

Si Marcos ay masayang kasal sa abogadang si Louise “Liza” Araneta Marcos. Mayroon silang tatlong anak, sila Ferdinand Alexander III, Joseph Simon at William Vincent

Nangako si Marcos sa kanyang mga bagong inaanak sa kasal na seryoso siya sa pagiging ninong sa kanila. Aniya, bawat pareha ay tatanggap ng kanyang calling card para pwede silang tumawag sa kanya lalo na kung kailangan nila ng tulong.

“Kung may problema kayo, gusto ninyong magpatulong sabihin ninyo sa akin. Isipin ninyo, ako ang ninong ninyo. Hindi ako ninong na para lang mailagay sa invitation, para lang mailagay sa announcement,” ani Marcos.

“In the coming years may the love that brought you together grow with each and every single day. Congratulations to our grooms, best wishes to our brides,” dagdag pa niya.

Ayon sa senador isang karangalan sa kanya na mahilingan na maging ninong ng mga ikinasal at higit dito ay dahil na rin sa napakainit na pagtanggap sa kanya ng mga residente ng probinsya.

Dahil dito, sinabi ni Marcos na kumpiyansa siya na nakikita na sa probinsya na nagsisimula nang tumayo ang kanyang panawagan sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipinas. Naniniwala si Marcos na ang pagkakaisa ng bansa ay magsisimula sa pamilya.

“The unity of these men and women who are getting married today, let us bring that same unity dito sa atin, hindi lamang dito sa Pangasinan kundi sa buong sambayanang Pilipino,” ayon kay Marcos.

Back to Blog