Patuloy na pagsusulong sa interes ng LGU siniguro ni Sen. Marcos

Read the English version.

Siniguro ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. nitong Miyerkules na patuloy niyang isusulong ang interes ng mga local government unit at mga lokal na opisyal.

Ginawa ni Marcos ang pahayag sa kanyang pakikipagpulong sa mga Barangay Opisyal ng 3rd Districto ng Quezon City na ginanap sa isang maliit na karinderya sa Pacmac Compound sa Brgy. Mangga, kung saan pinag-usapan nila ang mga isyu kaugnay sa mga LGU.

Sa panguna ng Chairman ng kanilang Liga na si Cesar dela Fuente, nagpasalamat ang mga opisyal kay Marcos sa pagsusulong sa kanilang kapakanan, partikular ang naipasa niyang panukala na nagbibigay ng retirement benefits sa mga Barangay Opisyal at Manggagawa.

“Kung mamarapatin ninyo ako’y handa para at ipagpatuloy ang aking ginagawa bilang boses ng Local Governments,” ani Marcos na kadidato bilang Bise Presidente.

Nangako rin si Marcos na patuloy na isusulong ang matagal nang panawagan ng mga Barangay Opisyal na palawigin ang kanilang termino. Noong 15th Congress nagsampa na ng panukala si Marcos para maging 5 taon ang 3-taong termino ng mga Barangay Opisyal pero hindi nakapasa ito dahil sa mahigpit na pagtutol ng Malacañang.

“Kahit sana ma-postpone muna ang barangay elections sa October 2016 para magkaroon ng panahon ang Kongreso na pag-aralang mabuti yung panukalang term-extension,” ani Marcos.

Ayon sa Senador posible pa ring mailusot ang ganitong panukala sa natitirang mga araw ng sesyon ng 16th Congress.

Maliban sa Barangay Retirement Benefits Bill si Marcos din ang nanguna sa Senado para maipasa ang Sangguniang Kabataan Reform Bill na naglalayong mabigyan ng karampatang boses ang mga kabataan at ihanda sila para maging mga lider ng bansa sa kinabukasan.

Isinusulong din ni Marcos ang mas malaking kahati ng mga LGU sa Internal Revenue Allotment mula sa 40-60 hati pabor sa national government para maging patas ang hatian o 50-50.

“Karamihan sa ating mga LGU ay IRA lamang ang inaasahan pero ang national government ay maraming pwedeng pagkunan ng pondo. Marapat lamang na bigyan natin ang mga LGU ng mas malaking kahati sa IRA,” giit ng Senador.

Maliban sa pakikipagpulong sa mga Barangay Officials, minabuti na rin ni Marcos na gamitin ang panahon niya sa Quezon City para makipagdaupang palad at makausap ang mga residente ng Old Balara, Escopa, at Tatalon kung saan mainit ang naging pagtanggap sa kanya.

Back to Blog