Party list ng Guardians (1GB) nagdeklara ng suporta sa kandidatura ni Sen. Marcos

Pormal na idineklara ngayon ng Guardians Brotherhood (1GB) party list, na binubuo ng ibat-ibang grupo ng mga Guardians sa bansa, ang kanilang pagsuporta sa kandidatura bilang bise presidente ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sa isang pahinang manifesto na pirmado ni Rolando “Rolly” Bernardo, 2nd nominee ng 1GB party list, sinabi ng grupo na nagdesisyon silang gawing pormal ang kanilang pagsuporta sa kandidatura bilang bise presidente ni Marcos sa paniwalang siya ang lider na magtatanggol sa karapatan ng lahat at magdadala sa atin sa mas magandang kinabukasan.

“Bilang nagkakaisang organisasyon na itinatag sa tunay na diwa ng pagkakapatiran, idinedeklara namin ang aming pagsuporta sa kandidatura ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang bise president sa darating na halalan sa Mayo 9, 2016,” saad ng manifesto.

Ang manifesto ay binasa sa harap mismo ni Marcos nang dumalaw siya ngayon sa pagtitipon ng mga Guardians sa national headquarters ng Guardians Republican International, Inc. (GRII) sa Barangay Bambang, Los Banos, Laguna.

Maliban kay Bernardo, chairman at president ng GRII, marami pang mga lider ng Guardians na dumalo sa pagtitipon tulad nina Virgilio Briones, chiarman at president ng Guardians Solid Brothers, Inc.; Arturo Narvaez, president ng Guardians New Hope Brotherhood, Inc; at Ronaldo Arrienda, chairman sa Southern Luzon ng GRII.

Nagpasalamat si Marcos sa mga lider at miyembro ng 1GB party list sa pagsuporta nila sa kanyang kandidatura at sa pagkakatong ibinigay sa kanya para makapiling at makausap silang lahat.

“Nais kong ipakita sa lahat ibang tao kung gaano kahalaga ang halimbawang ibinibigay ng guardians para sa ating Sambayanang Pilipino,” ani Marcos.

Sa kanyang panawagan para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino, sinabi ni Marcos na ang kasaysayan ng Guardians ay may pagkakatulad sa nagaganap na pagkakawatak-watak nitong mga nakalipas na panahon. Tulad nito, nagkaroon ng maraming factions ang Guardians matapos itong lumaki bilang organisasyon.

Kaya naman, sinabi ni Marcos na ang matagumpay na pagkakaisang muli ng mga Guardians para mabuo ang 1GB party list ay magbubunsod sa muling paglakas at pag-unlad ng organisasyon. Natupad na rin umano ang kanyang payo, sa kanyang pagbisita sa ibat-ibang grupo ng Guardians, na sikapin nilang magkaisa sa ilalim ng isang national organization.

Tulad nito sinabi ni Marcos na mahalaga rin ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino para matupad ang hinahangad nating magandang bukas para sa ating lahat.

Back to Blog