Panukalang retirement benefit sa opisyales ng barangay inaprubahan sa 2nd reading sa Senado

Read the English version.

BBM_PHOTO_10122013

Isinulong ni Senador Bongbong Marcos ang pagpapasa ng panukalang batas na magbibigay benepisyo para
sa mga opisyal at manggagawa sa barangay. Ang Senate Bill 12 ay naipasa na kagabi sa pangalawang pagbasa.

Inaprubahan sa second reading ng Senado nitong Miyerkules ang Senate Bill No. 12 na naglalayong bigyan ng retirement benefit ang mga Barangay Officials sa bansa.

Ayon sa panukala bibigyan ng P100,000 na retirement pay ang bawat kuwalipikadong Barangay Chairman, P80,000 naman para sa mga Miyembro ng Sangguniang Barangay, at P50,000 para sa mga Barangay treasurer, Tanod, Miyembro ng Lupon ng Tagapamayapa, at Barangay Health at Day Care Worker.

Sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., may akda ng panukalang batas, na bagamat ang mga naturang opisyal ang direktang tagapag-dala ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan, napakaliit naman ang mga benepisyong kanilang natatanggap.

“Hindi naman sapat na basta salita lamang at tapik sa balikat ang gagawin nating pagkilala sa kanilang dedikasyon sa kanilang tungkulin at kontribusyon sa pagsisilbi sa ating mga kababayan,” ani Marcos.

“Kumpiyansa ako na maipapasa ng Senado ang panukalang ito sa mga natitirang araw ng aming sesyon,” dagdag pa ng Senador.

“Dapat umabot na kahit 60 taong-gulang at nakapagsilbi ng hindi bababa sa 9 na taon ang isang Opisyal ng Barangay o Barangay Worker para maging kwalipikadong tumanggap ng naturang benepisyo.”

Base sa naturang batayan, tinataya ng National Barangay Operations Office ng Department of Interior and Local Government (DILG) na noong June 7, 2013 aabot sa 95,616 ang dami ng mga Opisyal ng Barangay na kwalipikado para sa naturang retirement benefit.

Tinatayang aabot sa P5.2 bilyon ang kailangan para ibigay ang mga retirement benefit ng naturang bilang ng mga kwalipikadong opisyal ng barangay at mga workers.

Para sa programa, naglalayon ang panukala na magkaroong ng Barangay Retirement Benefit Fund na paglalaanan ng pondo taun-taon ng perang katumbas ng isang porsyento ng kahati ng National Government sa Internal Revenue Allotment (IRA).

Ayon sa panukala ang DILG ang naatasan para hawakan ang pondo at siguruhin ang maayos na pagbibigay ng mga benepisyong nakalaan sa mga kwalipikadong Opisyal ng Barangay at Barangay Workers.

Back to Blog