Pangangalaga sa kalikasan isinulong ni Bongbong Marcos

Idinagdag ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kanyang panawagan para sa pagkakaisa ng bansa ang kilusan para sa pangalagaan ang kalikasan at kapaligiran ng bansa para na rin sa kapakanan ng lahat.

“Sa ating pagdiriwang ng Earth Day bukas (April 22) magkapit–kamay tayo bilang isang bansa para makiisa sa pandaigdigang pagkilos para mabawasan ang mga greenhouse gas emission at iba pang mga gawain na makasasama sa ating kapaligiran,” ani Marcos.

Subalit nagpaala-ala ang senador na dapat pangunahan ng pamahalaan ang kilusan para pangalagaan ang ating kapaligiran sa pamamagitan ng tamang implementasyon ng mga batas at regulasyon na naglalayong protektahan ang kalikasan.

“Ang pangangalaga sa kapaligiran ay dapat tuloy-tuloy sa buong taon, hindi lamang tuwing magdiriwang tayo ng Earth Day, para naman maging kasama na sa ating pag-iisip at gawain araw-araw lahat ng ito,” ani Marcos.

Dahil sa ang Pilipinas ang sinasabi ng mga siyentipiko na isa sa mga bansang daranas ng matinding dagok ng climate change, sinabi ni Marcos na higit na naging mahalaga sa atin ngayon ang pangangalaga sa ating kapaligiran.

Kaugnay sa kanyang adbokasiya para sa kalikasan, nagsampa ng ilang panukalang batas sa Senado si Marcos, kabilang na ang Senate Bill 2885 na naglalayong isama sa curriculum ng mga kolehiyo at unibersidad sa bansa ang pagtalakay sa climate change.

Ilan pa sa mga panukala ni Marcos ang Green Building Act para maingganyo ang mga negosyante na magtayo ng mga building na hindi lamang ecologically-friendly kundi energy efficient pa; panukala para mas maraming gumamit ng bisekleta, at panukala para ipagbawal na ang paggamit ng mga plastic bag.

Sa kanyang panunungkulan bilang gobernador ng Ilocos Norte sa loob ng tatlong termino pinangunahan ni Marcos ang paggamit sa renewable energy kabilang na ang kilalang wind farm sa bayan ng Bangui—na kinikilala bilang una sa Southeast Asia—para magkaroong ng sapat na suplay ng malinis na electricity hindi lamang sa kanyang probinsya kundi sa mga karatig-lugar.

Back to Blog