Pamilya Suarez ng Quezon suportado si Bongbong Marcos

Idineklara ni dating Quezon 3rd District Rep. Danilo Suarez nitong Sabado na suportado ng kanilang pamilya ang kandidatura bilang Bise Presidente ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at nanawagan siya sa mga opisyal ng CALABARZON (Region IV-A) na tulungan ang Senador.

Ayon sa datos ng Commission on Election ang CALABARZON ang rehiyon na may pinakamaraming botante na aabot sa 7.6 milyon rehistradong botante kasunod ang National Capital Region na may kabuuang 6.3 milyong botante.

Sa kanyang mensahe sa convention ng lahat ng Barangay Chairmen ng Region IV-A sa Quezon Convention Center sa Lucena City sinabi ni Suarez na hinangaan niya ang pamumuno ng Tatay ng Senador, na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“Kaya sinabi ko noon basta’t may tumakbong Marcos nasa likod ang pamilya Suarez,” ayon sa dating Congressman. Kasama niya sa pagsuporta kay Marcos ang kanyang anak na si Quezon Governor David Suarez at asawang si Aleta na siyang nakaupong Congresswoman ng 3rd District ng probinsya.

Maliban dito, sinabi ni Suarez ang pagpapahalaga at pagkalinga ni Marcos sa mga local government units, partikular sa mga barangay officials. Si Marcos umano ang kanyang katulong sa ilang taon nilang pagsisikap na magkaroon ng batas na magbibigay ng retirement benefit sa mga Barangay Officials.

“Kung magkakaisa tayo kaya nating maghalal ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Ipakita po natin ang boses ng CALABARZON,” ani Suarez.

Nagpasalamat naman si Marcos sa suporta ng pamilyang Suarez at sa mga opisyal ng barangay at nangakong ipagpapatuloy ang kanyang gawain para maisulong ang kapakanan ng mga LGU, pati na ang para sa mga Barangay Workers.

Masigabong palakpakan ang isinagot ng mga Barangay Officials ng CALABARZON nang iulat ni Marcos na naipasa na sa 3rd reading sa Senado ang kanyang panukalang Barangay Retirement Benefits Bill.

Sa hiwalay na miting sa mga Mayor ng probinsya ng Quezon muling inendorso ni Suarez ang kandidatura ni Marcos. Mula sa 39 Mayor ng probinsya, 32 ang nakadalo sa naturang pagpupulong.

Matapos ang pagdalaw ng “Unity Caravan” ni Marcos sa Quezon, tumuloy naman siya sa probinsya ng Laguna kung saan nagkita sila ni dating Governor E. R. Ejercito, kasama ang ilang Mayor at kandidato bilang Mayor sa probinsya.

Dumagsa rin ang mga tao sa plaza ng city hall para salubungin si Marcos na humingi ng kanilang suporta sa kanyang kandidatura at tuloy inihayag ang kanyang panawagan para sa muling pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Sa kanyang paglibot sa bansa palaging nananawagan si Marcos para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino na aniya ay kinakailangan upang maharap natin ang maraming problema ng bansa at makausad tayo para sa isang progresibong bukas para sa ating lahat.

Back to Blog