Palpak na mga opisyal ng SSS, sibakin na

Read the English version.

Para maisaayos ang management ng pondo ng Social Security System at masiguradong maibibigay ang karampatang benepisyo sa mga miyembro dapat lamang umanong sibakin na ang mga palpak na mga opisyal ng naturang ahensya, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sa kanyang pagharap sa “Kapihan sa Senado” media forum ibinalita rin ni Marcos na pumirma na siya sa ipinapaikot na resolution na nagpapahayag ng damdamin ng Senado na marapat lamang ibigay ang dagdag na P2,000 sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng SSS at sana ay hindi ito na-veto ng Presidente.

Tanda ng mismanagement ng SSS ang mababang collection rate na hindi pa umabot ng 40% at ang mga investment nito na hindi naman kumita, ayon kay Marcos.

“Hindi nila (SSS managers) nagawa ng maayos ang trabaho nila. Kung ganyan nga, P2,000 hindi nila kayang isuporta, di maghanap tayo ng iba. I’m sure merong mas magagaling dyan—I remember in previous years the SSS was much-better run,” ani Marcos.

Sa pagpili ng mga bagong hahawak ng SSS dapat umanong ang kakayahan ang pangunahing batayan at hindi dahil lamang sa koneksyon sa pulitika, giit ng senador.

“Hanapin natin ang pinaka-magaling na mga tao na magpapatakbo ng SSS sa pinaka-maayos na paraan,” ani Marcos.

Pumalag din ang senador sa mga akusasyon na pulitika at ang election sa darating na Mayo ang motibo ng mga nagsusulong sa dagdag na SSS pension.

“Hindi ako sang-ayon dyan. Pagtulong sa mga tao ang motibo dito. Nagsimula iyan sa bawas sa income tax, tapos etong SSS na parehong na-veto ng Palasyo,” ani Marcos.

Habang hindi pa napapalitan ang mga pinuno ng SSS muling iginiit ni Marcos na dapat magtulungan ang Executive at ang Kongreso para makahanap ng “win-win solution” para sa mga miyembro ng SSS, partikular sa mga umaasa lamang sa kanilang pensyon para sa gastusin araw-araw.

Back to Blog