Palasyo hinamon ni Sen. Marcos na gawing makatarungan ang pagbubuwis

Read the English version here.

Hinamon ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang Palasyo na i-certify na urgent ang panibagong panukala para maibsan ang pasanin sa buwis ng mga Pilipino at gawin itong mas makatarungan sa pagkunsidera sa inflation bilang basehan sa dapat bayarang buwis.

“Kung talagang tapat ang Malacañang sa pangako nito na para sa lahat ang pag-unlad ipakita nila ito sa pamamagitan ng pag-certify sa panukala na urgent,” ayon kay Marcos.

Nangangamba ang senador na mahihirapang mailusot ang panukala dahil sa nakatakda nang busisiin ng Senado ang 2016 budget sa natitirang mga session nito sa taon at maiksi na lamang ang session sa susunod na taon para harapin ang iba pang importanteng panukalang batas.

Nauna dito kasama si Marcos sa nanawagan para ayusin ang umiiral na tax bracket pero ilang beses itong ibinasura ng Malacañang.

Sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997 ang mga taong may taxable income na P500,000 ay magbabayad ng P125,000 at karagdagang 32 percent ng anumang sosobra sa P500,000.

“Talagang naiwan na ng panahon ang ating tax structure kaya naman iyong mga middle class ay kabilang na ngayon sa mga mayayaman at nagbabayad ng buwis ng mayaman. Panahon nang tugunan natin ang sitwasyong ito,” ani Marcos.

Tinukoy ng senador ang pag-aaral ng IBON research group na nagsasabing umaabot sa 5 milyon hanggang 6 na milyong Pilipino at kanilang pamilya ang nagpapasan ng dobleng pahirap mula sa buwis at inflation.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipina tumaaas ng sobra sa doble o 110 porsyento ang presyo ng mga bilihin sa pagitan ng 1997 at 2012 subalit hindi naman nabago ang basehan ng buwis simula noong 1997.

Sa kabila nito, may mga ulat din base sa pinakahuling Family Income and Expenditure Survey na ang kita ng 70 porsyento sa mga Pilipinong may pinakamaliit na kita ay lumobo sa 137 porsyento sa pagitan ng 1992 at 2012 kaya’t mas maraming mahirap ang nagbabayad ngayon ng mas mataas na buwis.

Back to Blog