Pahayag ng Malacañang sa tanim-bala tinuligsa ni Sen. Marcos

Read the English version here.

Tinuligsa ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pagmamaliit ng Malacañang sa umano’y sindikato ng “tanim-bala” sa mga airport na karaniwang nambibiktima ng mga matatandang pasahero at mga Overseas Filipino Workers.

Nauna rito sinabi ni Pres. Aquino na duda umano siya sa sinasabing “tanim-bala” dahil tatlo lamang pasahero sa may 34 milyong dumarating sa mga airport ng bansa kada taon ang nagreklamo. Inakusahan din niya na pinalalaki lamang ng media ang isyu.

“Nakakalungkot na imbes na tingnan talaga kung anong nangyayari minabuti pa ng Pangulo na maliitin ito sa pamamagitan ng statistics at ipinagtanggol pa ang mga taga-airport,” ani Marcos.

Ayon sa Senador may mga ulat din na marami sa biktima ng “tanim-bala” ang nagbayad na lamang para hindi na maabala.

“Hindi ito tungkol sa statistics; tungkol ito sa buhay, sa trabaho o kinabukasan ng isang tao at ng kanyang pamilya na maaaring masira dahil lamang sa maling akusasyon para maperahan sila. Hindi dapat mangyari kahit isang insidente ng ganitong raket,” giit ni Marcos.

Tinukoy ng Senador ang kaso ng OFW na si Gloria Ortinez na kinasuhan dahil umano sa pagdadala ng bala sa kanyang bag, kinulong pero napawalang sala din kalaunan. Dahil sa insidente muntik nang hindi tanggapin muli si Ortinez ng kanyang amo sa Hong Kong kung saan siya nagtrabaho ng mahigit na 20 taon.

Maliban dito sinabi ni Marcos na dahil sa pahayag ng Pangulo nagkakaroon ngayon ng duda sa sinseridad ng gobyerno na pigilin ang operasyon ng “tanim bala” sa mga airport.

“Hindi pa tapos ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation. Pero sinabi na ng Presidente na palagay nya ay walang “tanim bala” kaya magdududa na ngayon ang publiko anuman ang sabihin ng NBI sa kanilang report,” ani Marcos.

Si Marcos ang isa sa mga mambabatas na nagpahayag ng pagkondena sa “tanim bala”. Nanawagan na rin siya na sibakin ng Malacañang si Manila International Airport Gen. Manager Jose Honrado dahil sa patuloy na pamamayagpag ng sindikato ng “tanim bala”.

Back to Blog