Pagtakbo bilang VP mas delikado pero daan para sa dagdag na serbisyo sa tao

Read the English version here.

Kahit malaki ang tansang makabalik sa Senado, sinabi ngayon ni Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pinili niya ang mas delikadong daan na tumakbo bilang Vice President sa eleksyon sa 2016 dahil dito aniya ang palagay niya ay mas marami siyang magagawa upang matulungan ang ating mga kababayan.

Sa kanyang paglabas sa programang “Umagang Kay Ganda” ng ABS-CBN, inamin ni Marcos na hindi katulad ng tatlo pang kapwa senador na karibal niya sa posisyon ng Vice President, hindi na siya makakabalik sa Senado sakaling matalo.

Kung tumakbo sa mas mataas na posisyon ang isang senador sa kalagitnaan ang kanyang termino at matalo sa eleksyon ay babalik lamang ito sa kanyang dating pwesto. Si Marcos ay nahalal na senador noong 2010 kayat matatapos na niya ang kanyang unang termino sa 2016.

“Tama iyong sinasabi mo na iyong mga ibang kandidato (sa Vice President) kahit na hindi mahalal ay babalik sila sa dati nilang posisyon. Ako, hindi. Kaya’t kailangan talaga maging matagumpay dito sa kampanyang ito,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos hindi na tutoo ngayon ang dating impresyon ng mga tao sa Vice President na isa lamang “spare tire” ng President.

“Mula noong pinaghiwalay (ng konstitusyon) iyong pagka Pangulo at saka iyong Pangalawang-Pangulo— hindi ba’t dati sabay niyong binoboto iyan, ngayon ay pinaghihiwalay—palagay ko ay mas lumaki ang naging role ng Vice-President. Mas maraming nagagawa kaysa sa dati,” ani Marcos.

Matatandaang nauna nang sinabi ng senador na kapag nanalong Vice President ay magiging “team player” siya at tutulong sa sinumang manalong Presidente upang isulong ang pagkakaisa ng bansa at tugunan ang mga problema ng bansa tulad ng droga, ng patuloy na pagtaas ng presyo, krimen, kawalan ng trabaho at iba pa.

“Kaya’t sa palagay ko maganda naman sigurong pagkakataon iyon para ipagpatuloy ang aking ginagawa na serbisyo sa publiko. Kaya’t palagay ko mas, para sa akin ngayon, dito sa stage ng buhay ko ngayon, palagay ko tama iyong Vice-President,” ayon kay Marcos.

Ang pagnanais na mas palawakin pa ang kanyang serbisyo sa mga tao ang nagtulak sa kanya na itaya ang kanyang buong political career para tumakbong Vice President kaysa sa makuntento na lamang sa halos sigurado nang panalo kung muli siyang tatakbo bilang senador, dagdag pa ni Marcos.

Ayon sa survey ng isang pahayagan para sa mga napipisil na senatorial candidate ng publiko, nasa ika-tatlo at pang-apat na pwesto si Sen. Marcos at dating Sen. Panfilo Lacson, samantalang nangunguna si Sen. Vicente Sotto III at kasunod naman si Sen. Ralph Recto.

Back to Blog