Pagsugpo sa iligal na droga, paigtingin

Read the English version here.

Nagbabala ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na patuloy na lalala ang problema ng iligal na droga kung hindi itututok ng awtoridad ang kanilang pagkilos sa mga malalaking sindikato ng bawal na gamot sa bansa.

“Bagamat abala tayo ngayon para tulungang makabangon ang mga biktima ng bagyong Lando, hindi natin dapat makalimutan ang isa pang ‘bagyo’ na may malaking banta ng panganib sa ating lahat, at iyan ay ang illegal na droga,” ani Marcos.

Ayon sa senador nakakabahala ang ulat na ibinigay ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong nakaraang linggo kung saan sinabi ng ahensya na 92.3 porsyento ng mga barangay sa Metro Manila ay apektado na ng problema ng iligal na droga.

“Dapat tugusin ang mga malalaking isda, ang mga big-time drug syndicates, hindi yung mga maliliit na pusher lamang,” ayon kay Marcos.

“At pag nakahuli ng mga big-time drug lords, siguraduhin nating matitigil na sila sa kanilang gawain hindi tulad nung naririnig natin na kahit sa kulungan ay mayroon pa silang cellphone, tablet computers at maging baril,” dagdag pa niya.

Ayon sa senador marami sa mga nagaganap na krimen sa bansa ay may kinalaman sa iligal na droga.

“Kadalasan ay gumagamit ng droga ang mga kriminal kaya’t wala na halos takot gumawa ng masama. Marami na tuloy sa atin na ang pakiramdam ay hindi sila ligtas kahit na nasa sariling bahay pa sila,” ani Marcos.

Sa panig ng gobyerno dapat bigyan ng sapat na suporta ang mga ahensyang nakatutok sa paglaban sa iligal na droga, ani Marcos.

Subalit hindi pondo at kagamitan ang kailangang suporta kundi mga batas na magbibigay ng dagdag na kakayahan sa mga awtoridad tulad ng panukalang batas na payagan ang wire-tapping sa kaso kaugnay ng iligal na droga, paliwanag ng senador.

“Noong 2013 naipasa na namin sa Senado ang bill para dyan pero hindi naisabatas dahil hindi naipasa ang version ng House of Representatives. Kamakailan lamang inaprubahan na ng komite sa House ang kanilang version kaya umaasa akong malapit na itong maisabatas,” anang senador.

Matatandaang isa ang problema sa iligal na droga sa mga isyu na ipinangako ni Marcos na tutugunan kung manalo bilang Bise Presidente sa darating na halalan sa 2016.

Back to Blog