Pagsugpo sa droga at krimen dapat paigtingin ng susunod na administrasyon

Read the English version here.

Dapat paigtingin pa ng susunod na administrasyon ang kampanya laban sa iligal na droga at paglaganap ng krimen sa bansa ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Sa tingin ko ang dapat maging prayoridad ng susunod na administrasyon ay ang mga pinangangambahan ng mga karaniwang mamamayan,” ani Marcos.

Tinukoy ng Senador ang isang survey na nagpapakitang ang droga at krimen ang una at panglima sa mga pangunahing pangamba ng karaniwang mamamayan.

“At karamihan sa mga krimen ngayon ay lumalabas na kaugnay sa iligal na droga,” dagdag ni Marcos.

Sinabi ng Senador na ayon mismo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mahigit sa 20 porsyento ng 42,029 barangay sa bansa ang nagkaroon ng insidente kaugnay sa droga, samantalang sa National Capital Region naitala na 92 porsyento ng mga barangay ay apektado ng iligal na droga.

Maliban dito, sinabi ni Marcos na tumaas ang bilang ng krimen ng mahigit tatlong beses mula 2010 hanggang 2014 ayon naman sa ulat ng Philippine Statistics Authority, na nagsasabing may 1.16 milyong kaso ng krimen sa 2014 kumpara sa 324,083 kasong napaulat noong 2010.

Nitong Agosto lamang sinabi ng Philippine National Police na tumaas ang insidente ng krimen ng halos 50 porsyento sa unang bahagi ng 2015 kumpara sa parehong panahon noong 2014, kung saan may total na 888,445 insidente ng krimen kumpara sa 603,085 kaso sa katulad na panahon noong 2014.

Subalit binawi rin ng PNP ang ulat at sinabing mayroon lamang 509,924 na beripikadong kaso sa unang bahagi ng 2014.

“Maski ano pa ang tamang numero hindi maikakaila na nakakabahala pa rin ang dami ng mga kaso ng krimen,” ani Marcos.

Kaugnay sa problema ng iligal na droga sinabi ni Marcos na dapat nang targetin ng mga awtoridad ang mga big-time na sindikato at mga drug lords.

“Pero dapat din nating itaas ang kakayahan ng ating mga awtoridad. Dapat natin silang suportahan sa pamamagitan ng training, dagdag na facilities, at pati na pondo,” ani Marcos.

Subalit iginiit ng Senador na dapat din itong sabayan ng totohanang kampanya laban sa mga tiwaling miyembro ng awtoridad na sangkot sa mga krimen.

“Dapat silang imbestigahan at disiplinahin. Kung kailangan, dapat nating ayusin ang sistema natin para hindi na ulit mangyari ang mga ito,” ani Marcos.

Back to Blog