Pagrepaso sa epekto ng bagong fisheries code sa maliliit na mangingisda suportado ni Sen. Marcos

Sinuportahan ngayon ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, kandidato bilang bise presidente, and panawagang pagrepaso sa umano’y masasamang epekto ng inamyendang Fisheries Code (RA 10654) sa maliliit na mangingisda sa bansa, kabilang ang small at medium commercial fishermen.

“Bagamat maganda ang sinasabing layunin ng batas—ang sugpuin ang illegal fishing at masigurong ang kasaganaan ng ating pangisdaan hanggang sa mga darating na henerasyon—patuloy tayong nakakarinig ng daing na masasaktan dito ang ating mga maliliit na mangingisda,” ani Marcos.

Kabilang na sa tatama sa maliliit na mangingisda ang butas sa batas na pinapayagang pumasok sa loob ng 15-kilometrong municipal water ang mga commercial fishing operation kung ang tubig ay 7 dipa o higit pa ang lalim.

“Para sa mga maliliit ng mangingisda sana ang municipal water. Kung papayagan nating pumasok dito ang commercial fishermen, paano makakasabay sa kanila ang maliliit na mangingisda?” ani Marcos.

Maliban dito, sinabi ni Marcos na pabor ang batas sa mga tila-haciendang aquaculture production at dahil dito ay lumiliit ang pangisdaan ng mga maliliit na mangingisda at malamang pang maging sanhi ng pagkasira ng mga bakawan at magdulot ng polusyon sa tubig.

Ayon sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) bago maipatupad ang orihinal na fisheries code noong 1998 aabot lamang sa 32 porsyento ang ambag ng aquaculture sa lahat ng produktong isda ng bansa.

Subalit noong 2012 umabot na ito sa 52 porsyento samantalang lumaglag naman ang municipal fishing mula sa 33 porsyento hanggang sa 26 porsyento at maging ang commercial fishing mula 31 porsyento sa 21 porsyento.

“Hindi maitatatuwang makatututulong sa ating food security ang aquaculture pero dapat maayos ang regulasyon dito para naman maprotektahan ang interes ng ating maliliit na mangingisda at ang kalikasan,” ani Marcos.

Kabilang din sa mga reklamo ng mga mangingisda ang mga bayarin para sa fishing permit, bangka, at kagamitan, ganun din ang paglalagay ng tracking device sa kanilang bangka para masigurong hindi sila lalabag sa mga kautusan sa pangingisda.

Imbes na basta lang higpitan ang mga regulasyon sinabi ni Marcos na dapat pang palawakin ng gobyerno ang mga programa para matulunga ang mga mangingisda, partikular yung mga maliliit.

Katulad ng kanyang plataporma sa agrikultura, sinabi ni Marcos na dapat palakihin ng gobyerno ang mga pautang sa mangingisda para magkaroon sila ng maayos na mga bangka at kagamitan at pati na rin puhunan sa negosyong maaari nilang itayo.

Maliban dito sinabi ni Marcos na dapat ibuhos ng gobyerno ang pondo para sa mga imprastruktura bilang suporta sa mga mangingisda, tulad ng mga kongkretong pier, cold storage, mga daan patungo sa pamilihan, at maayos na pagbibigay ng mga weather advisory para sa kaligtasan nila.

“Dapat nating alagaan ang ating mga mangingisda, lalo na ang mga maliliit, dahil malaki ang kontribusyon nila sa food security ng ating bansa,” giit ni Marcos.

Back to Blog