Paglago ng turismo dapat tutukan ng susunod na administrasyon

Read the English version.

Hindi dapat sayangin ng susunod na Administrasyon ang pagkakataong ibinibigay ng gumagandang industriya ng turismo dahil ito ay paraan para magkaroon ng mas maraming trabaho at pagkakakitaan ng ating mga kababayan, payo ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ginawa ni Marcos ang panawagan kasunod ng ulat na umabot na sa 5 milyon ang bilang ng dumating na turista sa bansa mula Enero hanggang Disyembre nitong taong ito. Ayon sa Department of Tourism kayang umabot sa 6 na milyon ang dami ng turistang darating sa buong 2016.

“Kahit malayo pa yun sa orihinal na target na 10 milyon turista sa 2016 hindi naman maikakailang may magandang resulta ang pagpupursiging i-promote ang Pilipinas bilang isa sa mga top-tourist destinations,” ani Marcos.

Pero nagbabala ang Senador na hindi lalago ang industriya ng turismo kung hindi pagsusumikapan ng susunod na Administrasyon na madaliin ang pagpapatayo ng mga proyekto at imprastrukturang kailangan tulad ng mga bagong airport at pag-aayos ng mga luma na, pagdagdag ng mga sea ports, at pagayos ng mga kalsada.

“Lahat ng mga pasilidad na ito ay mag-iiwan ng marka sa ating mga bisita. Papano mo naman i-rerekomenda ng isang turista sa kaibigan niya na pumunta sa Pilipinas kung dito ay na-delay ang flight niya dahil sa airport congestion, kung madumi ang mga comfort room ng airport, o kung naipit sa matinding trapik?” ani Marcos.

Maliban sa mga importanteng imprastuktura sinabi ni Marcos na kailangan ding bigyan ng training ang mga manggagawa sa industriya at mga negosyo para siguruhin na maganda ang magiging karanasan ng mga turista sa pagpunta nila dito sa bansa.

“Hindi na siguro mahirap gawin ito dahil kilala naman ang ating pag-istima sa ating mga bisita at karamihan pa sa atin ay marunong magsalita ng English,” ani Marcos.

Si Marcos, na tumatakbo bilang Vice President sa 2016 election, ay matagal nang nagsusulong na pasiglahin ang industriya ng turismo sa bansa na malaki ang naging papel sa pagganda ng ekonomiya ng probinsya ng Ilocos Norte sa panahon ng kanyang panunungkulang bilang three-term Governor.

Tinukoy ni Marcos ang isang ulat ng World Travel and Tourism Council na ang Southeast Asia ang pangalawa sa may pinakamalaking paglago sa industriya ng travel at turismo sa 2015 na aabot sa 7 porsyento, pangalawa lamang sa South Asia na nagkaroon ng 7.7 porsyentong paglago.

“Ayon pa sa WTTC patuloy na lalago ang turismo at pagdating ng 2025 ay makakapag-ambag ito ng 11.3 trillon dolyar sa Gross Domestic Product ng ekonomiya ng mundo at magbibigay ng trabaho sa 335 milyon katao.”

Back to Blog