Paghahanda laban sa epekto ng climate change dapat isama sa lahat ng plano ng gobyerno

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na isama sa lahat ng pagpaplano sa pagpapatakbo ng pamahalaan ang pagharap sa epekto ng climate change.

Ang panawagan ni Marcos, kandidato bilang bise presidente, ay kasunod ng pagbisita ni environment advocate at dating US Vice President Al Gore sa bansa kaugnay sa kanyang panawagan sa pagsasanib pwersa ng lahat ng bansa para maghanda sa epekto ng climate change.

“Sa lahat ng aspeto ng patakbo ng pamahalaan, may effect na ngayon ang climate change,” ani Marcos, chairman ng Senate Committee on Public Works.

Partikular na tinukoy ni Marcos na dapat i-disenyo at ipatupad ang mga infrastructure projects ng gobyerno para mabawasan ang anumang masamang epekto ng climate change.

Tinukoy ni Marccos ang 2015 report ng United Nations Office for Disaster Reduction na nagsabing ang Pilipinas ang ika-apat sa mga bansa sa buong mundo na pinakamadalas tamaan ng mga kalamidad.

Ayon sa senador dapat na tayong matuto sa mga leksyon mula sa karanasan natin sa super-typhoon Yolanda at magtayo ng mga istruktura na mananatiling nakatayo sa kabila ng malakas na bagyo at baha at ligtas din bilang evacuation centers.

Lumalabas umano na marami sa mga namatay sa bagyong Yolanda ay nasa evacuation center na bumagsak o kaya ay nalunod dahil sa bahang dulot ng storm surge.

“Kaya kailangan nating maunawaan kung ano ang kailangan nating gawin, yung tinatawag na disaster mitigation na bago pa dumating yung kalamidad ay mayroon na tayong ginawa para maghanda, pinatibay natin ang ating mga imprastraktura,” ani Marcos.

Maliban dito, sinabi rin ng senador na lahat ng mga ahensya ng gobyerno na naatasang tumulong sa panahon ng kalamidad ay dapat pag-ibayuhin ang paghahanda para madaling maghatid ng tulong sa ating mga kababayan sa panahon ng krisis.

Back to Blog