Pagbaha sa Metro, kawalan ng plano

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarNalubog sa baha na naman ang Metro Manila matapos manalasa ang bagyong Mario. Sa tala, halos 10,000 pamilya ang inilikas sa mataas na lugar dahil sa pagragasa ng baha na umabot sa mga bubungan ng mga bahay, lalo na doon sa Araneta avenue sa Quezon City. Sa Marikina at San Mateo, libo-libo rin ang inilikas.

Nakikiramay ako sa pamilya ng mga nasawi at nawalan ng tahanan. Ginagawa ang lahat ng inyong abang-lingkod na makatulong sa abot ng aking makakaya sa mga nabiktima ng bagyong ito.

Ang aking tanggapan sampu ng aking pamilya ay aktibong gumagawa ngayon ng mga paraan upang matulungan ang libo-libo sa inyong naapektuhan ng bagyo. Inaanyayahan ko kayong magsama-sama tayong matulungan para sa ating mga kababayang nabiktima ng bagyo.

Hindi tuloy naiwasan ng ating mga kababayan na isiping maulit ang nangyari noong 2009 nang manalasa ang bagyong Ondoy. Ngunit sa talaan ng PAGASA, mas maliit na porsiyento ng ulan lamang ito at ang matinding pag-ulan ay idinulot ng habagat na hinihilang pilit ng bagyong Mario.

Maganda ang naging performance ng PAGASA, ngunit mas maigi sana kung naging mas maaga ang kanilang pagtataya. Mag-aalas sais na ng umaga nagbigay babala ang PAGASA at halos alas-otso na ng umaga nakapagbigay ng reaksyon ang Palasyo kung isususpindi ang serbisyo ng gobyerno o hindi.

Kailangang ituloy ang modernisasyon ng PAGASA upang mas lalo pa itong makapagbigay ng tamang pagrereport sa lagay ng panahon. Ako’y nagsumite na ng panukalang batas ukol dito at inaasahan kong pakikinggan ako ng Senado.

Babanggitin ko na rin na nakatulong na malaki ang maagap na tugon ng ating mga barangay. Kaya naman, marami ang nailikas at naiwasan ang paglobo ng maaaring biktima ng bagyo.

Noong Biyernes, nagpahayag na ang Department of Public Works and Highways na magpapatuloy ang pagbaha hangga’t di kumpleto ang paglilinis ng mga kanal, estero, at hanggang hindi napapagana ng husto ang mga pumping stations.

Napuna ko na panandalian lamang ang mataas na pagbaha sa Metro Manila. Nang kumagat ang dilim, unti-unti nang humupa at bumaba ang antas ng baha. Ibig sabihin lamang nito, barado ang ating mga lagusang tubig at kailangang dagdagan siguro ang mga pumping stations upang maging maayos ang pagdaloy ng tubig baha mula sa mga kabundukan ng Sierra Madre patungo sa Manila bay.

Aminin nating kulang ang mga imprastrakturang pipigil sa rumaragasang tubig ulan mula sa mga kabundukan. Bilyong piso ang inilalaan ng pamahalaan para sa anti-flooding measures ngunit problema pa rin natin ang pagbaha.

Ano bang hinihintay ng ating mga opisyales de gobyerno—ang muling manalasa ang malalang bagyo at anurin na ang ating mga kabahayan at mas maraming buhay ang maaapektuhan?

Bilang Chairman ng Senate Committee on Local Governments, bubusisiin ko ang mga proyektong ito. Nais kong malaman ang problema at tulungan silang makagawa ng permanenteng solusyon. Sa tulong nila, isasasama ko sa aking panukalang National Infrastructure Program (NIP) ang kanilang mga suhestyon.

Sa ngayon, magsama-sama tayo at magbayanihan. Makakatulong din ng malaki kung tayo ay magkukusang maglinis ng ating mga estero, mga ilog, daluyan ng tubig at ng ating mga kapaligiran. Gayundin, malaking bagay na handa sa sakuna ang bawat pamilya.

This article was published in Bulgar on Monday, 22 September 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog