Pagbabago sa Constitution kailangan para ibaba ang presyo ng kuryente

Sa pagpasok ng bagong administrasyon isa sa dapat unahin nitong asikasuhin ay mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ang pahayag ni Marcos ay kasunod ng anunsyo ng Manila Electric Company na tataas ng 42 sentimos kada kilowatt-hour ang singil sa kuryente sa buwang ito. Ayon pa sa Meralco malamang tumaas pa muli ang singil sa kuryente pagpasok ng tag-araw.

“Tayo na ang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong Asya at ang ating mga planta ng kuryente ay hindi halos makayang magbigay ng sapat na supply. Kung matatapyasan natin ang presyo ng kuryente mas maraming pagkain ang maihahain ng mga nanay sa kanilang pamilya,” ani Marcos.

Isa umano sa paraan para dito ang pag-engganyo sa mga foreign investors sa pamamagitan ng pag-alis sa limitasyon sa pag-aari ng mga banyaga sa mga kompanya na hanggang 40 porsyento lamang. Partikular na tinukoy ni Marcos na kailangan ito para sa mga kompanya ng renewable energy.

“Maraming lugar sa bansa ang may potential para mag-develop ng renewable energy pero kailangan dito ang malaking investment. Marami ding mga foreign investors ang interesado kaya lamang hindi natutuloy dahil nga sa 60-40 rule,” ani Marcos.

Wala umanong matinong policy sa energy ang bansa, ayon kay Marcos. Tinukoy ng senador ang pagka-dismaya ni British Ambassador Asif Ahmad dahil sa limitasyon sa mga kompanya ng renewable energy pero payag namang maari ng buo ng mga banyaga ang tradisyonal na kumpanya sa power generation.

“Importante na maikasa natin ang malinaw at patas na polisiya para sa energy, partikular sa renewable energy development. Kung magagawa natin ito magkakaroon tayo ng sapat na suplay ng kuryente sa mas mababang presyo at protektado pa ang kapaligiran,” ani Marcos.

Sa ilalim ng pamamahala ni Marcos bilang governor ng Ilocos Norte naitayo ang pinaka-unang wind farm sa bansa para sa commercial power generation na nasa bayan ng Bangui. Ito ngayon ang nagbibigay ng supply ng kuryente hindi lamang sa probinsiya kundi pati sa mga katabing lugar.

Back to Blog