Pag-isnab ng admin sa panawagan ng senior citizens sa SSS pension hike binatikos ni Sen. Marcos

Binatikos ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang pag-isnab ng administrasyon sa panawagan ng mga senior citizens matapos na tablahin ng House of Representatives ang panukalang pag-override sa veto ng Presidente sa SSS (Social Security System) pension hike bill.

Natungo sa kapulungan nitong Miyerkulues ang mga kinatawan ng mga senior citizens para himukin ang mga mambabatas na i-override ang veto pero isinara ang sesyon na hindi man lamang naihain ang panukalang override.

“Para namang dagdag na insulto pa yan. Nirerespeto ko ang leadership ng House pero kung ako ang tatanungin sana naman ay pinayagan na magkapagsalita ang mga nagsusulong ng override at kung ganon ay hindi ganito kainit ang reaksyon ng ating mga senior citizens sa pangyayaring ito,” ani Marcos.

“Malinaw na nasunod ang posisyon ng administrasyon sa masaklap na kapalaran ng SSS pension hike bill,” dagdag pa niya.

Nagbanta ang Malacanang na kung ibibigay ang P2,000 pension hike malamang tumaob at ma-bankrupt ang SSS pagdating ng taong 2027.

Nagpahayag naman ng suporta si Marcos sa itinutulak na kaparehong override ng veto sa Senado. Pero dahil sa House nanggaling ang panukala dapat ding doon magsimula ang pag-override sa naturang veto.

Sa kabila nito matibay ang paniniwala ni Marcos na hidi mangyayari iyon kung maayos ang patakbo sa SSS.

“Kung maganda sana ang ginawa ng management ukol sa collection, kung maayos ang kanilang investments, kayang-kaya nilang ibigay ang dagdag na pensyon,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos napakababa ng collection rate ng SSS na hindi lalampas sa 40 percent.

“Walang organisasyon ang patuloy na tatayo kung 35 percent lamang ng dapat nilang kulektahin ang nakukuha nito. Yung utang sayo, 35 percent lang yung nakokolekta mo, eh wala talagang mangyayari sa organization mo. Malulugi talaga iyan eventually,” giit ni Marcos.

Ayon kay Marcos dapat maawa ang gobyerno sa kalagayan ng maraming retirado at matatanda nang manggagawa na karamihan ay umaasa lamang sa kanilang SSS pension para sa kanilang gastusin sa araw-araw.

Back to Blog