NFA at DTI dapat umaksyon para maiwasan ang kakapusan sa bigas, pagsikad ng presyo

Read the English version here.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa National Food Authority at Department of Trade and Industry na umaksyon agad para maiwasan ang banta ng kakapusan sa suplay ng bigas at pagkain at pagsikad ng presyo matapos ang malawakang pinsalang idinulot ni bagyong Lando.

Ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council umaabot na as P7.3 bilyon ang pinsalang idinulot ni Lando sa sektor ng agrikultura, kabilang na ang maraming lugar sa Central Luzon na tinaguriang “rice granary of the Philippines”.

“Bagamat nagsimula nang magpadala ng bigas ang NFA sa ilang mga nasalantang lugar para may makain ang mga biktima, kailangan ding tutukan ang posibleng kakulangan sa bigas sa mga darating na araw,” babala ni Marcos.

Ayon sa senador dapat bilhin na agad ng NFA ang anumang palay na naisalba ng mga magsasaka mula sa bagyong Lando at ibenta ang bigas sa farm-gate prices.

“Sa ganitong paraan ay may babalik kahit konting pera sa mga magsasaka na karamihan ay lubog sa utang at mapipigilan din ang sobrang pagtaas ng presyo ng bigas,” anang senador.

Dapat din umanong pakalatin ng DTI ang mga tao nito sa mga apektadong lugar para masigurado ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin, maiwasan ang hoarding, at ma-monitor ang pagpairal ng price freeze na maaaring ideklara sa mga apektadong lugar.

Nauna rito, nanawagan ang senador na gamitin ng Department of Agriculture ang P500 milyong Quick Response Fund ng ahensya para tulungan ang mga magsasakang biktima ng bagyo.

Ayon NFA umaabot sa halos 400,000 metriko tonelada ng palay na handa na sanang anihin ang napinsala ng bagyo na tinatayang aabot sa halagang P4.5 bilyon.

“Wag sanang gamiting dahilan ng NFA ang Lando para sa walang patumanggang pag-import ng bigas dahil sa huli ay ang ating mga kawawang magsasaka rin ang masasaktan,” paala-ala ng senador.

Matatandaang pumutok noon ang kontrobersya na ginagamit ng ilang sindikato ang mga kooperatiba para sa rice smuggling. Sa kabila nito, nag-anunsyo kamakailan ang NFA na mag-aangkat ng aabot sa 750,000 metriko tonelada ng bigas para umano sa inaahasang epekto sa suplay ng El Nino.

Back to Blog