Natitirang bilyun-bilyong pondo para sa Yolanda pinangangambahang magamit sa eleksyon

Read the English version here.

Hindi maiiwasang maghinala ang publiko na maaring magamit sa eleksyon ang natitirang bilyun-bilyong pondo para sa mga biktima ng super-typhoon Yolanda ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“I guess so, dahil nakikita naman natin marami talagang pondo ng gobyerno ang ginagamit sa halalan,” sagot ni Marcos sa mga reporter nang tanungin ukol sa posibilidad na magamit ng administrasyon ang naturang pondo para sa mga pambato nito sa darating na eleksyon sa 2016.

Isa umano sa dahilan ng ganitong suspetsa, ayon sa senador, ay ang patuloy na pagtanggi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilahad kung saan napunta ang bilyun-bilyong pondo para sa biktima ng Yolanda, kabilang na ang mga international donation.

Ang masaklap, ayon kay Marcos, bukod sa natengga ang malaking bahagi ng naturang mga pondo may mga ulat pa ng na-expire na relief goods at gamot na dapat sana ay naipamahagi sa mga biktima ng Yolanda.

At kahit dalawang taon na ang nakalipas mula nang manalasa ang bagyong Yolanda kulang na kulang pa rin ang naitayong pabahay para sa mga taong nawalan ng tirahan, dagdag pa ni Marcos.

Ayon sa ulat ng National Housing Authority aabot lamang sa 16,000 ang natapos o wala pang sampung porsyento sa kailangang 205,128 na bahay para sa mga biktima ng Yolanda.

“Kaya’t siguro naman dapat mahiya-hiya naman sila sa pinaparusahan nila na mga biktima ng Yolanda na nag-aantay ng tulong sa pamahalaan. Masyado nang mahaba yung dalawang taon na pinag-aantay ang tao,” ani Marcos.

Suportado ng senador ang panawagan para imbestigahan ng Senado ang mga natenggang pondo para sa mga biktima ng Yolanda.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Public Works, inimbestigahan ng senador ang napaulat na sub-standard bunk houses na itinayo ng gobyerno para pansamantalang tirahan ng mga biktima ng Yolanda.

Ayon kay Marcos patuloy ang kanyang pagsisikap upang malaman kung anong nangyari sa mga pondo para sa mga biktima ng Yolanda na nanalasa sa malaking bahagi ng Visayas noong November 8, 2013.

Back to Blog