Nasirang imprastraktura sa Pangasinan ininspeksyon ni Sen. Marcos

Read the English version here.

Nag-inspeksyon ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., chairman ng Senate Committee on Public Works, sa mga importanteng imprastraktura sa probinsya ng Pangasinan upang malaman ang laki ng pinsalang idinulot ni bagyong Lando sa mga ito.

Nagpunta ang senador sa Pangasinan bilang panauhing pandangal at panauhing tagapagsalita sa congress ng mga Barangay Health Workers ng probinsya at para makita ng personal ang pinsala ng bagyo.

Kasama si Pangasinan Vice Governor Ferdinand Calimlim, mga opisyales ng Department of Public Works and Highways, at iba pang mga lokal na opisyal, inikot ng senador ang ilang imprastruktura sa probinsya, partikular ang nasirang dike sa bayan ng San Nicolas.

“Magsisimula na ang aming deliberasyon sa 2016 budget pagbalik namin ng sesyon sa Senado sa susunod na linggo kaya naman ang importante ang ganitong pagkakataon para malaman ko kung anong mga dapat unahin sa paglalagay ng pondo para sa repair at rehabilitation,” ayon sa senador.

Bago ito nakipagpulong muna si Marcos kay Urdaneta Mayor Gregorio “Boom” Perez kasama ang mga konsehal at iba pang lokal na opisyal hindi lamang para malaman ang epekto ng bagyo sa lungsod kundi pati na rin ang ibang mga problema ng lokal na pamahalaan.

Si Marcos din ang chairman ng Senate Committee on Local Government.

Bago umalis ng probinsya namahagi rin ng relief goods ang senador sa mga biktima ng bagyo sa bayan ng Asingan, kasama si Mayor Heidi Chua.

Back to Blog