Naka-tenggang calamity funds gamitin sa pabahay ng Yolanda survivors, tulungan ang iba pang biktima ng kalamidad

Read the English version here.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na gamitin para sa permanenteng pabahay sa mga survivors ng super-typhoon Yolanda at tulong para sa mga iba pang biktima ng kalamidad ang naka-tenggang calamity funds na umaaabot na sa ilang daang milyong piso.

Tinukoy ng senador ang ulat ng Commission on Audit (COA) na nagsabing sa pagtatapos ng 2014 umabot na sa P923 milyon ang kaubuuan ng hindi nagagamit na calamity fund at mga donasyon na ipinadaan sa Office of Civil Defense (OCD) na nasa ilalim ng Department of National Defense (DND).

Ayon sa COA ang pinakamalaki sa mga naturang donasyon ay P137 milyon na ibinigay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim naman OCD. Umaabot lamang umano sa P38.7 milyon ang na-release dito noong 2014 kaya’t may natitira pang P98.2 milyon.

“Dalawang taon na ang nakaraan matapos na manalasa ang bagyong Yolanda sa Tacloban at mga karatig lugar pero hanggang ngayon marami sa mga biktima ang nagrereklamong wala pa rin ang permanenteng pabahay na ipinangako sa kanila ng gobyerno,” ani Marcos.

Matatandaang si Marcos, chairman ng Senate Committee on Public Works, ang nag-imbestiga ukol sa umano’y sub-standard na mga bunk houses na itinayo para pansamantalang kanlungan ng mga biktima ng Yolanda.

Isang grupo ng mga biktima ng Yolanda ang nagsabi na ayon sa datos ng National Housing Authority na aabot pa lamang sa 534 permanenteng pabahay lamang ang naipatayo ng gobyerno hanggang nitong nakaraang Setyembre kumpara sa target na 13,801.

“Ang masakit nito may pondo naman na pwede sanang nagamit ng gobyerno para matulungan ang mga biktima ng Yolanda. Hindi lamang ito nagpapakita na parang walang paki-alam ang mga taong gobyerno sa paghihirap ng mga biktima ng kalamidad kundi pabaya sa kanilang tungkulin,” ani Marcos.

Nangako ang senador na bubusiin ang tungkol sa naturang hindi nagamit na calamity fund sa nalalapit na pagtalakay ng Senado sa 2016 budget.

Back to Blog