Nabiting pangako, kawalan ng hustisya sapat na dahilan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano massacre

Read the English version.

Nabiting pangako ng tulong para sa pamilya ng SAF (Special Action Force) 44 at kawalan ng hustisya para sa mga nasawi ay sapat na dahilan para sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa January 25, 2015 Mamasapano massacre, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Halos isang taon na ang nakaraan matapos ang Mamasapano massacre pero hanggang ngayon patuloy tayong nakakarinig ng daing mula sa pamilya ng mga SAF 44 na wala silang natanggap na tulong sa kabila ng pangako sa kanila ng gobyerno,” ani Marcos.

Tinukoy ni Marcos ang ulat na dalawang biyuda ng SAF 44, sina Virgie Viernes at Merlyn Gamutan, na parehong nagsabing wala pa silang natatanggap sa ipinangakong ayuda ng gobyerno. “Drawing lang po”, ito ang sabi ni Viernes ng tanungin tungkol sa pangakong tulong.

Ayon kay Marcos taliwas ang sinabi ng mga biyuda ng SAF 44 sa ipinalabas na pahayag ng Philippine National Police noong nakaraang Hulyo na umano’y nakapagbigay na sila ng aabot sa P80 milyong bilang tulong sa pamilya ng SAF 44, maliban pa sa scholarship para sa mga anak ng nasawing pulis.

“Pero ang talagang hinihiling ng pamilya ng SAF 44 mula sa gobyerno ay katarungan para sa kanilang mahal sa buhay. Ang masaklap hanggang ngayon ay wala ni isang kasong naisampa sa korte para usigin ang mga responsible dito,” ani Marcos.

“Marapat lamang na mabigyan natin ng linaw ang mga isyung ito para sa pamilya ng SAF 44 at may pagkakataon tayong gawin ito sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado,” dagdag niya.

Simula nang mangyari ang insidente patuloy ang panawagan ni Marcos na bilisan ng Department of Justice ang imbestigasyon nila para maisampa sa korte ang karampatang kaso at masimulan ang proseso ng pagbibigay katarungan sa mga nasawi sa Mamasapano massacre.

Muling binuksan ng Senado ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre ayon sa motion ni Minority Leader, Sen. Juan Ponce Enrile, na humiling nito noon pang Oktrubre dahil umano sa mga bagong ebidensyang natuklasan niya.

Back to Blog