MRT at LRT, may sariling pondo para sa repair at maintenance pero nagtaas pa rin ng pasahe

Medyo nalungkot tayo nang sabihin ng ating Pangulo na pabor siya sa pagtataas ng pamasahe sa MRT at LRT. Matagal na raw dapat yun.

Ilagay natin sa tama, ano at bakit dapat itaas ang pamasahe? Dahil ba kailangang remedyuhan ang mga sira at operasyon ng linya? Dahil ba bulok at matanda na ang istasyon ng MRT?

Sa totoo lang, kung ganun ang dahilan, eh, bakit pa nagkaroon kami ng alokasyon para sa maintenance ng linya ngayong 2015 National Budget gayung hihirit din pala ng taas pasahe itong si DOTC Secretary Abaya?

Nang irerebyu namin ang badyet sa Kamara, nagpakita itong si Abaya pero hindi man lang niya sinabing may plano pala silang manggulat ngayong Enero.

Kabi-kabila ang protesta ng mga mananakay— maging sa social media, express nila ang galit at disappointment.

Ora-urada kasi ang pagtaas, hindi man lang pinalipas ang Enero bago ipatupad. Nagmamadali ba ang DOTC dahil ilang buwan na lang si Aquino sa puwesto?

Alam n’yo mga kaibigan, kung gugustuhin lang at kung may “paki” sa atin ang Palasyo, isang utos lang yan ni Pangulong Aquino ay puwedeng itigil yang dagdag pasahe. Mas mabilis pa yan kesa hintayin ang labas ng TRO mula sa Korte Suprema.

Puwede namang hindi na umabot yan sa kataas-taasang korte at magkakahiyaan pa. Sinong may gustong makipagtagisan ng talino sa korte gayung palagi ngang talo ang Palasyo sa bawat argumento nito sa Korte Suprema?

Sabi nga natin eh, wag balewalain ng Pangulo ang ingay na nililikha nitong usapin. Nagbabadya ang civil unrest, dahil maraming apektado. Puwede namang utay-utayin, huwag ganyang parang sapilitang isinubo sa ating mga bunganga ang pagtaas.

Malungkot tayo dahil parang sa tingin natin at sa tingin din ng nakararami, pinaboran nina P-Noy at Abaya ang interes ng dambuhalang pribadong kumpanya kesa pakinggan ang nagmamakaawa na ngang boses ng masa na halos di na nga mgkandaugaga sa mataas na presyo ng mga bilihin.

This article was published in Bulgar on 12 January 2015. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog