MIAA general manager Honrado dapat nang sibakin

Read the English version here.

unnamed

Sinabi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na dapat nang sibakin ng Malacañang si Manila Interional Airport Authority Gen. Manager Jose Honrado dahil sa pinababayaan nito ang patuloy ng pamamayagpag ng sindikato ng “tanim bala” sa mga airport na kanyang pinamamahalaan.

Marami ang nanawagan sa pagbibitiw ni Honrado matapos kumulo ang galit ng publiko sa mga insidente ng “tanim bala”, kung saan palihim na nilalagyan ng bala ang mga dala-dalahan ng mga pasahero, lalo na ang mga OFW (Overseas Filipino Workers) upang mahuthutan sila ng pera.

Ayon sa prinsipyo ng command responsibility sinabi ng senador na malinaw na dapat managot si Honrado dahil sa tuloy-tuloy na insidente ng “tanim bala” sa kabila ng mga report ng media at galit ng publiko sa ganitong mga pangyayari.

“Dapat na syang sibakin kaagad. Malinaw na incompetent sya. Hindi nga siya dapat nailagay sa pwestong yan e,” ayon kay Marcos sa kanyang pagharap sa Senate media sa “Kapihan sa Senado”.

Dagdag pa ng senador na kung siya lang ang nasa pwesto hindi niya pipiliin si Honrado na malagay bilang MIAA general manager.

“If it was up to me he would never have gotten that job. Bakit mo ilalagay dyan, wala naman syang karanasan dyan? Hindi naman nya alam ang trabaho,” sabi ni Marcos.

unnamed-1Naniniwala ang senador na ang puno’t-dulo ng “tanim bala” ay ang bisyo ng Malacañang na mag-appoint ng mga tao hindi base sa kanilang kakayahan at karanasan kundi dahil lamang sa kanilang koneksyon sa mga nasa kapangyarihan.

“Very specialized yang mga trabaho na yan yung pagpatakbo ng isang airport, lalo na your’re the main gateway into the Philippines, dapat talagang nakakaintindi sila sa mga isyu sa pagpatakbo na yan. It’s just incompetence, wala na tayong ibang masabi,” Marcos said.

Kaya naman sinabi ni Marcos na dapat tutukan ng susunod na administrasyon na bigyan ng solusyon ang problemang ito.

“Kung maglalagay ka ng tao sa isang posisyon dapat meron kang kumpyansa na kaya nya yung trabaho na yun. Hindi mo ilalagay yan dahil may utang na loob ka sa kanya. Bayaran mo yung utang na loob mo sa ibang bagay, wag mong isakripisyo ang taong bayan,” giit ng senador.

Back to Blog