Mga OFWs dapat tulungan sa pagsasara ng remittance centers

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na ikasa agad ang isang contingency plan para sa alternatibong paraan ng pag-remit ng kita ng mga Overseas Filipino Workers sakaling marami pang mga lokal na bangko ang magsara ng kanilang mga remittance centers sa ibang bansa.

“Dapat maglatag agad ang gobyerno ng isang contingency plan para naman maibsan ang posibleng dagok sa ating mga OFWs kung talagang marami pang money transfer operation ang magsasara sa abroad,” ani Marcos, kandidato bilang bise presidente sa darating na halalan sa Mayo.

Nauna rito nagbabala ang Department of Finance na posibleng madagdagan pa ang mga nagsarang remittance shops ng mga lokal na banko sa ibang bansa matapos masangkot ang Pilipinas sa 81 milyong dolyar na nakulimbat ng mga hackers sa Bangladesh Bank.

Ayon kay DOF Secretary Cesar Purisima ilang mga foreign banks na ang kamakailan ay nagsara ng accounts ng mga money transfer operators na nagseserbisyo sa mga OFW at kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari maaring mapilitang magbayad ng doble ang mga OFW sa pagpapadala ng kanilang pera sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Tinukoy ni Marcos ang ulat na nagsara na ng kanilang operasyon sa Milan at Rome ang Rizal Commercial Banking Coporation (RCBC), kung saan idinaan ang 81 milyong dolyar, at maging ang Bank of Philippine Islands.

Bagamat sinasabing ang pagsasara ng operasyon ng naturang mga bangko sa abroad ay walang kaugnayan sa eskandalo sa money-laundering, sinabi ni Marcos na nakaka-alarma ang timing at dapat nang umaksyon ang DOF para maghanda ng plano para tulungan ang mga OFW kung sasama pa ang sitwasyon.

“Tinatawag nating mga bagong bayani ang mga OFW dahil ang kanilang remittances ang nagdadala ng takbo ng ating ekonomiya. Nararapat lamang na gawin natin lahat ng paraan para masiguradong hindi sila mahihirapang magpadala ng kanilang naipon nila sa kanilang pamilya at hindi kailangang magbayad ng karagdagan hanggang maaari,” ani Marcos.

Ayon sa DOF dapat nang amyendahan ang Republic Act No. 9160 o ang Anti-Money Laundering Act para mabigyan ng kumpyansa ang mga foreign banks na hindi dapat pagsuspetsahang ‘dirty money’ ang mga padalang pera ng ating mga OFW. Pero ayon kay Marcos baka matagalan pa bago mangyari ito.

“Ano ang gagawin ng ating mga OFW kung magsara pa ang mga remittance centers na habang hindi pa nababago ang Anti-Money Laundering Act? Pwede naman silang magpadala sa mga reputable na online money transfer pero dapat magbigay tayo ng impormasyon at guidelines para naman hindi sila mabiktima ng mga manloloko sa online,” ani Marcos.

Back to Blog