Mga barangay hinamon ni Sen. Marcos na manguna sa kampanya vs. karahasan sa kababaihan

Read the English version here.

Hinamon ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga barangay na manguna sa kampanya para protektahan ang kababaihan sa karahasan kasabay ng pangako ng kanyang buong suporta sa naturang pagkilos.

Sa kanyang mensahe sa “18-Day Campaign to End Violence Against Women” sa Tanauan City National High School sa Batangas, sinabi ni Marcos na dapat laging handa ang mga opisyal ng barangay na tumulong sa mga kababaihan na nakakaranas ng karahasan.

“Alam dapat ng mga Kapitan, mga Kagawad at mga Tanod na ang VAWC o ‘Violence Against Women and their Children’ ay hindi isang pribadong away na dapat ay hindi pakialaman at dapat magbulag-bulagan na lamang,” giit ni Marcos, Chairman ng Senate Committee on Local Government.

Nababahala si Marcos na matapos maipasa noong 2004 ang R.A. 9262 o ang batas na “Anti-Violence Against Women and their Children” tumaas pa ang mga kaso ng karahasan sa kababaihan mula sa 218 kaso nang taong iyon sa 9,000 kaso noong 2011.

Ayon naman sa ulat ng PNP Women and Children Protection Center tumaas din ang mga kaso ng rape mula sa 2,000 kada taon noong 2000 sa 7,000 kaso nitong nakaraang taon kung saan 77 porsyento ng mga biktima ay menor de edad.

“Kailangan natin ang patuloy na edukasyon at pagbabago sa mentalidad at kultura ng taumbayan ukol sa karapatan ng mga kababaihan. Dapat mawala na ang mentalidad na ‘dapat lalaki lang ang bida at lalaki lang ang pinakamagaling,’” ani Marcos.

Importante din, ayon sa Senador na palakasin ang pamilyang Pilipino, kasama na dito ang paniniwala at takot sa Diyos.

Dapat din umanong paigtingin ang kampanya laban sa illegal na droga ayon sa Senador. Tinukoy niya ang maraming ulat tungkol sa mga ama na dahil sa lulong sa droga ay sinasaktan ang kanyang asawa at anak.

Sinabi rin ni Marcos na may responsibilidad din ang pamahalaan, partikular na sa paniniguro na may mga sapat na pagkakataon para sa mga pamilya na gumanda ang buhay: magandang trabaho para sa mga magulang; libre at murang edukasyon para sa mga anak; murang bilihin; at iba pa.

“Tanggapin na po natin. Marami sa mga kaso ng karahasan ay nag-ugat sa kahirapan sa buhay – dahil sa kawalan ng trabaho at dahil sa walang makain. At dahil sa matinding hirap ng buhay, sumasama ang loob, nagagalit sa mundo, at naibubuhos ang lahat ng galit at sama ng loob sa pamilya, lalo na sa kabiyak at mga anak,” ayon kay Marcos.

Mahalaga rin, ayon sa Senador ang isang mabilis, malinis, matibay at maaasahang sistema ng katarungan.

“Makakaasa po kayo sa aking patuloy na pagsuporta sa mga karapatan ng kababaihan, sa pamilyang Pilipino, at sa ating mga komunidad at mga barangay,” anang Senador.

Back to Blog