Mga awtoridad laban sa droga dapat purihin sa pagkasabat ng P180M shabu

Read the English version.

Pinuri ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang matagumpay na operasyon ng mga awtoridad laban sa tangka ng isang international drug syndicate na puslitin ang malaking shipment ng illegal na droga na nakatago pa sa machine tools.

Nitong nakaraang Martes nasakote ng mga awtoridad ang aabot sa P180 milyong halaga ng hinihinalang “shabu” o methamphetamine hydrochloride sa Valenzuela City mula sa dalawang Chinese-Filipino na umano’y mga miyembro ng isang international drug network.

“Ito ang talagang dapat na ginagawa ng ating mga awtoridad para mapigilan ang nakaka-alarmang paglago sa problema ng illegal na droga sa ating bansa: huwag tantanan ang mga big-time drug syndidates,” ani Marcos.

Matagal nang nanawagan ang Senator sa mga awtoridad na ibaling ang kanilang mga operasyon mula sa mga maliliit na drug den at dealers at tutukan ang mga big-time drug lords at sindikato sa bansa.

Ang maganda sa naturang operasyon, ayon kay Marcos, ay naisagawa ito dahil sa pagtutulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Anti-Illegal Drugs Grop of the Philippine National Police.

Ayon sa mga awtoridad malaking bahagi ng kanilang tagumpay na operasyon ay dahil sa ginawang coordination ng ating Bureau of Customs at prosecutors ng Kaohsiumg ng Taiwan, ang Taiwan Bureau of Investigation at ng kanilang Ministry of Justice.

Nagunita ni Marcos na sa mga nakaraang panahon maraming mga pangyayari kung saan mahigpit ang naging kumpetisyon ng mga magkakaibang ahensya laban sa droga na kadalasan ay nakakasagabal sa pagresolba ng mga kaso ng droga.

“Itong operasyon na ito ang pinaka-mainam na ehemplo kung anong magagawa ng pagkakaisa at teamwork at dahil dito ay marapat lamang natin silang purihin,” ayon sa Senador.

Nakuha sa mga suspek ang tatlong bag na naglalaman ng 36 na pakete ng aluminum foil at bawat isa ay naglalaman ng isang kilo ng shabu.

Ayon sa mga awtoridad ang mga suspek ay pinaghihinalaang miyembro ng Asia Drug Network na may operasyon sa China, Pilipinas, at Hong Kong.

“Sana lamang ay hindi tumigil ang ating mga awtoridad at lalo pang paigtingin ang kanilang operasyon laban sa mga big-time drug syndicates. Ngayon na alam ng mga sindikato na bistado na ang kanilang modus operandi malamang gagawa sila ng ibang paraan para maipadala ang kanilang kontrabando,” ani Marcos.

Ayon sa Senador dapat dagdagan ng gobyerno ang suporta sa ating mga anti-drug agency sa pamamagitan ng mga makabagong equipment, karagdagang tauhan at training para mabigyan sila ng sapat na kakayahan para masugpo ang paglaganap ng illegal na droga.

Back to Blog