Mga anak ng Lopez at Laurel iniindorso ang kantidatura ni Bongbong Marcos

Inindorso ng anak ni dating Manila Mayor Mel Lopez ang kandidatura bilang bise presidente ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kahit na umano maaaring maging sanhi ito ng pagkatanggal ng kanyang ama sa pwesto bilang chairman ng Philippine National Oil Company.

Sa kanyang welcome address sa mga miyembro ng SGS Multi-Purpose Cooperative general assembly sa Lyceum of the Philippines University sa Calamba, Laguna, hiniling din ni Atty.
Alex Lopez na suportahann nila ang kandidatura ni Sen. Marcos.

Ayon sa kanya, tinanong muna niya ang kanyang ama kung pwede siyang magsalita para i-endorso si Sen. Marcos.

“Sabi nya: ‘Oo, okay lang yan. Kahit na matanggal naman tayo sa pwesto natin ipinaglalaban naman natin dito kung ano yung tama e’,” ani Atty. Lopez.

“Kaya kahit na posibleng mawala ang pwesto ng aking ama sa pinakamalaling korporasyon na pag-aari ng gobyerno—siya ang chairman doon—nandito ako para i-endorso si Bongbong,” dagdag pa niya.

Ipinaalala ni Atty. Lopez na ang kanyang ama ang nanguna sa mga oposisyon sa Manila para lumaban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ito mismo ang dahilan kung bakit ang kanyang ama ay na-appoint bilang Manila Mayor pagkatapos mawala sa pwesto si Marcos.

Maliban dito sinabi ni Atty. Lopez na sa probinsya ng Batangas maraming miyembro ng pamilyang Laurel, na nanguna sa paglaban kay dating Pangulong Marcos, ang sumusuporta na rin sa kandidatura ni Senator Marcos.

Ang asawa ni Atty. Lopez, si Sarah, ay miyembro ng pamilyang Laurel na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng LPU Laguna. Siya rin ang vice president at treasurer ng LPU.

“Panahon na para maka-move on na tayo,” ani Atty. Lopez.

Pangunahin sa pangawagan ni Sen. Marcos sa kanyang kampanya ang muling pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Ayon kay Sen. Marcos hindi na dapat balikan ang pulitika sa mga nakaraang administrasyon kung saan pinaghihiwalay ang mga Pilipino at magsama-sama ang bansa para maisulong ang progresibong bukas para sa lahat ng Pilipino.

Back to Blog