Mensahe sa Araw ng Paggawa

Ako at ang aking buong pamilya ay bumabati sa manggagawang Pilipino sa buong mundo sa okasyong ito ng pandaigdigang pagdiriwang ng “Araw ng Paggawa.”

Ang manggagawang Pilipino ay kabahagi sa paghubog ng kasaysayan at pangunahing sektor na pumapanday ng kaunlaran ng ating bansa.

Mula sa unang obrero na dinadakila bilang bayani sa katauhan ni Gat Andres Bonifacio hanggang sa mga overseas Filipino workers na mga bagong bayani, tunay na hindi matatawaran ang inyong ambag sa ebolusyon ng ating lahi.

Ang inyong kabayanihan ay higit na pinatitingkad ng kasipagan at walang kapagurang pagsusuhay at pagpapatatag ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapatulo ng pawis, pagbubuhos ng talino, at pagtitiis sa matinding sakripisyo.

Pero ang pinakadakila ninyong katangian ay ang kakayahan at dedikasyon sa pagtatrabaho at pagsisikap upang maitaguyod ang inyong pamilya at maihanda ang magandang bukas para sa inyong mga anak.

Kaisa ninyo ako hindi lamang sa pagdiriwang ng “Labor Day” kundi, higit sa lahat, sa pagsusulong ng inyong karapatan at kagalingan.

May kanya-kanya man tayong papel at larangang ginagalawan, kapit-bisig nating ukitin ang kinabukasan ng buong bansa at sama-sama nating tuparin ang ating mga pangarap.

Muli, mabuhay ang mangagawang Pilipino at ang uring manggagawa sa buong daigdig!

Back to Blog