May maliit na tsansang natitira para maisalba ang naghihingalong Bangsamoro Bill

Read the English Version.

Bagama’t naghihingalo na ang panukalang Basic Law for Bangsamoro Autonomous Region hindi pa rin nawawala ang maliit na tsansa na mailusot pa rin ito, ani Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa interview sa radyo kay dating Sen. Orly Mercado.

Nauna rito sinabi ni Marcos, Chairman ng Senate Committee on Local Government at sponsor ng BLBAR sa Senado, na tila wala nang oras ipasa ang panukala dahil sa nasa period of intepellation pa lamang ngayon ito at ilang araw na lamang ang natitira para sa sesyon ng Kongreso sa darating na taon.

Subalit nilinaw ng Senador na hindi ibig sabihin nito ay sumuko na siya at patuloy pang maghahanap ng paaran hanggang sa huling sandali para maipasa ang batas.

“Sa aming bersyon kung sakaling matapos ang period of interpellation palagay ko yung mga amendments pwede na naming pag-usapan, hindi na pag-debatehan sa plenaryo,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos pwedeng gawin na ipadala na lamang sa kanya ng ibang Senador ang kanilang gustong amendment, magkasundo kung ano ang pwede, at ang Komite na lamang ang magsusulong ng mga ito para mas mabilis ang proseso.

“Hindi ko na lang masasabi kung anong magiging sitwasyon sa House,” ani Marcos.

Nangangamba si Marcos na mahihirapang magkaroon ng quorum sa House pagdating ng Enero ng susunod na taon dahil abala na ang mga mambabatas para sa kanilang sariling mga kampanya.

Maliban pa dito sinabi ni Marcos na walang limitasyon sa Senado kung gaano katagal magtanong ang mga Senador sa panukalang batas na nakasalang sa plenaryo.

Bukod pa dito, hindi pa rin umano malinaw kung talagang bill of local application ang BLBAR at dapat munang hintayin ng Senado ang aksyon ng House bago nila pagbotohan ito.

At kahit maipasa ng dalawang kapulungan ang panukala malaki pa rin ang problema sa Bicameral Conference Committee na pagtugmain ang bersyon ng Senado at ng House sa natitirang oras, ayon kay Marcos.

“Sa Senado ang pinag-uusapan yung substitute bill na aking ginawa ngunit sa House of Representatives yun pa rin yung tinatawag na Palace version,” ani Marcos.

Matatandaang sinabi noon ni Marcos na suportado niya ang paghanap ng kapayapaan sa Muslim Mindanao at hindi dapat matigil ito kahit na hindi maipasa ang panukalang Bangsamoro Law sa ilalim ng kasalukuyang Kongreso.

Back to Blog