May Chance pang maging Baha-Free ang Metro Manila!

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarSa gitna ng aking kaabalahan sa mga usaping sektoral at nasyunal tulad ng benepisyo sa mga barangay official at volunteer na na-isponsor ko na at reporma sa SK na malapit nang matapos, at Bangsamoro Basic Law na naisalang ko na sa briefing ng Senate Committee on Local Government na aking pinamumunuan, hindi ko isinasakripisyo ang iba pang gawain na makakabuti sa mamamayan.

Isa dito ang solusyon sa baha sa Kamaynilaan. Kahapon, Setyembre 24, inisponsoran ko na ang Committee Report No. 73 kung saan nakapaloob ang labing-isang hakbang upang malutas ang problemang ito.

Ang 11-point recommendation ay bunga ng aking pag-aaral sa pahayag ng mga eksperto at mga dokumentong nakalap sa isinagawang public hearing noong Setyembre 26, 2013. Ang public hearing ng Senate Committee on Public Works na aking pinamumunuan ay bunsod ng dalawang resolusyong inihain ni Senador Ralph G. Recto at Senadora Miriam Defensor-Santiago.

Hindi man sinasadya, ang aking sponsorship speech ay nataon sa ika-5 anibersaryo ng bagyong “Ondoy” na “lumunod” sa Metro Manila noong ito ay nanalanta.

Sa kabuuan, ang mga mungkahi ay tumutukoy sa mga polisiya na dapat ipatupad at ugnayan ng mga sangay ng pamahalaan na dapat ayusin upang malutas ang Metro Manila flooding at mabawasan, hindi man tuluyang mawala, ang pinsalang idinudulot nito.
Sa policy direction at organizational strengthening, inirekomenda ko na:

  • Madaliin ang modernisasyon ng PAGASA.
  • Dagdagan ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga lokal na pamahalaan at ipag-utos ang direkta at mabilis na pagbibigay nito sa kanila upang magamit sa flood risk mapping at flood management control.
  • Pagtugmain at pahigpitin ang pagpapatupad ng lahat ng panuntunan sa land resources use.
  • Rebyuhin at i-revise ang National Building Code upang maitaas ang pamantayan sa pagtatayo ng mga istruktura para sa mas tiyak na kaligtasan.
  • Magpatupad ng “green building measures” upang maiwasan na ang maling sistema ng pagtatayo ng mga gusali at mapalaganap ang environmental sustainability.
  • Amyendahan ang Republic Act 7924- ang charter ng MMDA- upang mapalakas ang ahensya.
  • Pahigpitin ang ugnayan ng DPWH, MMDA, LLDA, at LGUs upang maiwasan ang overlapping ng tungkulin.
  • Magtayo ng isang ahensya na nakatutok sa sistematikong pangangasiwa ng mga river basin at watershed.
  • Magtayo ng Department of Housing and Urban Development (DHUD) na mag-uugnay ng lahat ng serbisyong pabahay ng pamahalaan at pribadong sektor at magsisiguro na ang programang relokasyon ay sang-ayon sa Republic Act 7279.
  • Magsagawa ng hiwalay ng pag-aaral ang karapat-dapat na Senate committee hinggil sa Presidential Decree No. 1067, o ang Water Code of the Philippines, at ang tungkulin ng Laguna Lake Development Authority upang masiguro na ang flood management ay tumutugma sa patakaran ng integrated water resource management.
  • Sa lahat ng pagkakataon, dapat nating siguruhin na ang mga hakbangin ng lehislatura at ehekutibo ay sang-ayon sa ating international commitment and obligation tulad ng sa United Nations Environment Programme’s (UNEP) “Agenda 21.”

Ang mga panukalang ito ay maaaring makatugon sa problema pero nangangailangan pa rin ng kooperasyon ng mga naninirahan sa Kamaynilaan. Kailangang maging aktibo sila na sa paglahok sa mga kilusan na ang layunin ay lutasin ang problema.

Tandaan natin, ang kalutasan ng mga suliranin ay magkatuwang responsibilidad ng gobyerno at ng mamamayan. At ang tagumpay sa bawat hakbangin, paglutas man ng baha o iba pang suliraning panlipunan, ay nakasalalay sa ating dedikasyon at pagkakaisa.

This article was published in Bulgar on 26 September 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog