Matamis na suporta ang ibinigay ng mga sugar baron kay Sen. Marcos

Sinuportahan ng mga “sugar barons” ng bansa ang kandidatura ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. bilang bise-presidente.

Nangyari ito matapos ang dinner ni Marcos sa mga lider ng industriya ng asukal sa bansa sa Manila Polo Club nitong Martes kung saan ipinaliwanag niya sa kanila ang kanyang plataporma lalo na sa agrikultura at partikular sa industriya ng asukal.

“Gusto kong maging aktibo sa lahat ng aspeto ng agrikultura. Sabihin na natin na sa pangkalahatan ay gagawin ko lahat ng aking makakaya para tulungan ang ating agrikultura, at partikular ang industriya ng asukal,” ani Marcos.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang pagtitipon sina Confederation of Sugar Producers Association (CONFED) Negros-Panay Chapter president Francis Dela Rama, National Federation of Sugarcane Planters (NFSP) president Enrique Roxas, PANAYFED (Panay Federation of Sugarcane Planters) president Danilo Abelita at UNIFED (United Sugar Producers Federation of the Philippines) president Manuel Lamata, gayunn din ang ilan pag lider ng ibat-ibang samahan ng sugar planters sa bansa.

Nangako si Marcos na isusulong niya ang mga polisiya para sa ikauunlad ng industriya lalo na’t matagal nang naging pangunahing produkto na kumikita ng dolyar ang asukal para sa bansa sa matagal na panahon at ganun din ang pagsugpo sa talamak na smuggling ng asukal.

Matapos marinig ang paliwanag ng senador, tinanong ni Dela Rama ang mga kasamahan: “Ano tuloy na tayo dito?” na kinatigan naman ng lahat.

Matagal nang isinusulong ni Marcos ang pagbubuhos ng suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura para mahinto ang pagtuloy na pagbagsak nito.

“Wala tayong mga pautang (sa magsasaka), yung irigasyon natin palpak, at napakaliit ng suporta natin sa mga magsasaka,” ani Marcos kasabay ng banta na lalo pang lalala ang sitwasyon sa pagpasok ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nation) integration na bubura sa taripa sa pagitan ng mga bansang kasali.

“Hindi pwedeng tuloy lamang ang ganitong sitwasyon kung gusto pa nating me matira sa ating agrikultura. Hindi kayang makipag-kumpitensya ng ating mga magsasaka kung hindi natin sila susuportahan,” giit pa niya.

Back to Blog