Mas malaking papel ng LGU sa pagbuo ng programa at polisiya isinusulong ni Sen. Marcos

Nangako si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na isusulong na mabigyan ng mas malaking boses ang mga local government units sa pagbubuo ng mga programa at polisiya na makaka-apekto sa kanila.

Sa kanyang mensahe sa pagtitipon ng Vice Mayor’s League of the Philippines sa Diamond Hotel sa Maynila, nangako rin ang senador ng patuloy niyang suporta sa pagsusulong sa kapakanan ng mga LGU sa bansa.

“Kailangan manggaling sa grassroots ang development policies; dapat nating pag-aralan ang suggestions ng ating mga local government officials. Pag sinasabi nating ‘vox populi, vox dei’ kasama na run ang mga local government officials, dapat may tiwala tayo sa kanila,” ani Marcos.

“Ito ng aking advocacy. Ito ang isang bagay na matagal ko nang sinasabi, simula pa noong mag-umpisa akong manungkulan sa local government,” dagdag pa niya.

Bilang dating governor ng Ilocos Norte sa loob ng tatlong termino sinabi ni Marcos na alam niya ang mga isyu at problemang hinaharap ng mga LGU kaya naging misyon na niyang hanapan ng sagot ang mga ito.

Kabilang na sa mga ito, ayon kay Marcos, ang laban para maging automatic approriation ang kahati ng mga LGU sa IRA (Internal Revenue Allotment).

Isinulong din ni Marcos na mas lumaki ang matatanggap ng IRA ng mga LGU sa pagpapairal ng intensyon ng Local Government Code na dapat ibase ang IRA sa lahat ng koleksyon ng national internal revenue, kabilang na ang sa Bureau of Customs at Value Added Tax.

Dito pa lamang ay may dagdag na P500 bilyon ang kabuuang matatanggap ng mga LGU sa IRA, ayon kay Marcos. Nasa Korte Suprema ang kaso rito at naghihintay ng desisyon.

Sinabi pa ni Marcos na nagpanukala siya ng 50-50 hatian ng LGU at national government sa IRA subalit ibinasura ito ng administrasyon.“Halos wala na kasing natitira sa IRA para sa mga proyektong nais gawin ng mga LGU,” ani Marcos.

Ang sama pa nito sa mga nakaraang ilang taon ay tila laging nagmumula sa itaas o national government ang lahat ng programa at polisiya, dagdag pa ng senador.

Kung papalaring manalo bilang Vice President sinabi ni Marcos na patuloy siyang magsisilbing boses ng mga LGU. “Sa inyong tulong at suporta makakamtan natin ang ating nais na ang mga LGU ay tunay na maging katuwang ng national government sa pagpapatakbo ng ating bansa,” ani Marcos.

Back to Blog