Mas malakas na suporta sa sining at kultura, isinusulong ni Sen. Marcos

Read the English version.

Hinikayat ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mas malakas na suporta ng gobyerno para sa sining at kultura, kabilang na ang industriya ng pelikulang Pilipino.

Sa kanyang pagharap sa entertainment press sa isang luncheon meeting sa Annabel’s Restaurant sa Quezon City, muling iginiit ni Marcos ang patuloy niyang pagsusulong ng mga programa para sa pag-ulad ng kultura at sining ng ating bansa.

“Nakakapanghinayang na ‘yung mga na-develop at nasimulan sa iba’t ibang Administrasyon ay hindi na tinutuloy tuwing may bagong nagpapalakad sa gobyerno. Sana meron talagang institutionalized support para sa culture and arts,” ani Marcos.

“Sa ganitong paraan makakasiguro na patuloy na isusulong ang mga programa para sa pag-unlad ng sining at kultura sa bansa kahit magpalit ang mga namumuno,”ani Marcos.

“Talagang kailangan ng commitment para maisulong hindi lamang ang pagkilala, kundi pati ang pag-aaral at pag-unlad ng ating cultural heritage,” dagdag pa niya.

Para sa film industry, mungkahi ni Marcos na gumawa ng polisiya katulad ng sa United States kung saan nagbibigay ng funding grants at tax incentives para sa independent filmmakers.

Maliban dito, dapat din umanong isulong ang mga programang katulad ng Experimental Cinema noong dekada 70 at 80, kung kailang sinasabing naganap ang “second golden age of Philippine Cinema”, para makadiskubre ng mga bagong talento at maitaas ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino.

Sa naturang mga dekada rin naging mayabong ang Filipino visual art, musika, at arkitektura, dahil na rin sa malakas na suporta mula sa gobyerno.

Ayon kay Marcos hindi sayang ang anumang suportang ibubuhos ng gobyerno para sa arts at entertainment industry.

“Mahalagang bahagi ito ng ating kultura. Ang ating kultura ay importanteng bahagi ng ating identity. At ang ating identity naman ay napaka-halaga para sa ating nation-building,” pagdidiin ni Marcos.

Kasama ni Marcos sa naturang luncheon meeting sa entertainment press ang kanyang asawang si Liza at panganay na anak na si Sandro.

Back to Blog