Mas bagay ang “tuwid na kamay” kaysa “tuwid na daan”

Ang sabi ng administrasyon, nagtatagumpay daw ang “tuwid na daan” dahil sa malalaking “isda” ang inuusig ngayon dahil sa katiwalian. ‘Yung iba, nakakulong pa nga eh.

Pero tila may tapaoho ang gobyerno. Ito ‘yung nakatakip sa gilid ng mata ng kabayo para harapan lang niya ang nakikita at hindi niya nakikita ang mga gilid.

Bakit ‘kamo? Dahil habang pokus ang mata ng administrasyon sa mga mas nakataas na opisyal ng pamahalaan (na karamihan ay hindi nito kaalyado), ay hindi nito napapansin ang korupsiyon sa buong burukrasya. Ito ay ang laganap na panghihingi ng lagay o bribe money. Korupsiyon pa rin ito ‘di ba?

Sa 2013 National Household Survey on Experience with Corruption in the Philippines na isinagawa ng Ombudsman, lumalabas na pito sa bawat sampung opisyal ng gobyerno (7 out of 10) ay nanghihingi ng lagay noong 2013. Umaabot sa 10,864 pamilya ang tinanong sa survey.

Lumilitaw na karamihan sa mga nanghihingi ng lagay ay opisyal ng mga ahensyang may kinalaman sa pagpoproseso ng registry documents, property registration, mga permiso at lisensya tulad ng mayor’s permit, building permit, sanitary permit, atbp.

Limang porsyento o isa sa bawat 20 pamilya (1 out of 20) ay hiningan ng lagay o grease money noong nakaraang taon sa ahensya kung saan sila may transaksyon.
Ibig sabihin, pangarap pa rin hanggang ngayon ang malinis na pamahalaan at walang epekto ang “tuwid na daan” dahil laganap pa rin ang gumagawa ng “under the table” sa gobyerno.

Kaya nagtataka tayo kung bakit laging ipinagyayabang ng administrasyon na tagumpay daw ang “tuwid na daan.” Sabagay, kung ang ibig sabihin ng “tagumpay” eh pambu-bully sa mga kalaban sa pulitika ng administrasyon, mukhang mas kapani-paniwala ‘yan.

Sa nasabi ring survey, lumalabas na ang publiko pa ang nagtatakwil sa korupsiyon dahil mas marami ang umisnab sa mga nanghihingi ng lagay noong 2013 kaysa noong 2010.

At mas matapang na rin ang mamamayan dahil nagrereport na sila. Noong 2010, 0.8 percent lang ng mga nahingian at nagbigay ng lagay ang nagreport samantalang noong 2013, 5.3 percent na at kabilang dito pati ang mga hiningan pero ‘di nagbigay.

‘Yun nga lang, dahil marami na ang tumatangging magbigay, mas naging garapalan ang panghihingi. Talagang harap-harapan at wala nang paliguy-ligoy pa kung sila ay manghingi.
Tutal may inisyatibo naman ang publiko na tanggihan ang bribery, dapat lang na maging masigasig din ang pamahalaan na usigin ang mga kalabit-penge. At hindi lang dapat ipagsakdal ang mga timawang ito kundi litisin ng mabilisan at sentensyahan agad.

Kumbaga, kapag may nagsuplong na nanghihingi ng lagay, idemanda agad, bistahan, at hatulan. Sa ganitong paraan lamang mapapaniwala ang lahat na ang “tuwid na daan” ay talagang nagtatagumpay.

Hindi maloloko ang publiko kung walang kongkretong resulta ang kampanya laban sa korupsiyon.Ang “tuwid na daan” dapat sa gawa at hindi lamang sa salita.

Habang ipinangangalandakan ng Malakanyang ang “tuwid na daan,” “tuwid na kamay” din sa panghihingi ng lagay ang maraming opisyal at kawani ng gobyerno.

Kumbaga, samantalang hindi namamaos ang administrasyon sa kapupuri sa “tuwid na daan,” hindi rin nangangawit ang kamay ng mga korup sa pangingikil sa publiko.

Sa pagtanggi na magbigay ng lagay at pagsusumbong sa mga nangingikil, ginagampanan ng publiko ang kanilang parte sa prosesong paglilinis ng pamahalaan.

Nasa kamay na ngayon ng administrasyon ang tungkulin na habulin at ikulong ang mga korup sa gobyerno. At ‘wag mamimili na ang kakasuhan lamang ay mga kalaban sa pulitika.

This article was published in Bulgar on 6 December 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog