Marcos tiniyak ang suporta sa pagpapalawig ng termino ng Brgy. Officials

Read the English version.

Tiniyak ngayon ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kanyang suporta sa panawagan ng mga barangay officials na mapalawig ang kanilang termino mula sa kasalukuyang 3 taon tungo sa 5 taon.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga barangay officials sa Rodriguez, Rizal sinabi ni Marcos na patuloy ang pagdating sa kanya ng panawagan ng mga barangay officials para mapalawig ang kanilang termino.

Noong 15th Congress nagsampa ng panukalang batas si Marcos para sa mas mahabang termino ng mga barangay officials subalit hindi ito pumasa.

“Noong una sabi ng DILG payag sila na 5-taon, pero dalawang termino lamang. Pero nung kalaunan sinabi ng Malacanang na hindi na sila payag dito kaya natigil lahat ang proseso,” ani Marcos.

Sa kabila nito sinabi ni Marcos na suportado niya ang patuloy na pagsusulong sa Senado at sa House of Representatives kahit na sa postponement lamang ng nakatakdang barangay elections sa Oktubre ng susunod na taon para mabigyan ng panahon ang Kongreso na pag-aralan ang panukalang extension ng termino ng mga barangay officials.

Paniwala si Marcos na masyadong maikli ang 3-taong termino ng mga barangay officials para maisakatuparan ang nais nilang programa sa kanilang nasasakupan.

“Sa bawat barangay election umaabot sa P8 bilyon ang ginagagastos ng gobyerno kaya sa loob ng 15 taon, kung tatlong election lamang ang gagawin kung 5-year ang term ng barangay officials kumpara sa 5 election, makakatipid ng halos P16 bilyon ang gobyerno na maaring magamit sa iba pang serbisyo publiko,” ani Marcos.

Si Marcos din ang may-akda ng panukalang batas na nagbibigay ng retirement benefits sa mga opisyal ng barangay at empleyado nito. Nagbibigay ang Senate Bill No. 12 ng P100,000 na retirement benefit para sa bawat kwalipikadong Barangay Chairman, P80,000 para sa miyembro ng Sangguniang Barangay at P50,000 para sa Barangay Treasurer at Secretary, Barangay Tanod, myembro ng Lupon Tagapamayapa at Barangay Health at Day Care Workers.

Para makakuha ng retirement benefits, ang isang barangay opisyal at miyembro ay dapat edad 60 o pataas na may siyam na taon na serbisyo. Humigit kumulang na 95,616 barangay opisyal at manggagawa ang maaring kumuha ng retirement benefit ayon sa datos ng National Barangay Operations Office (NBOO) noong June 2013.

Naipadala na sa Malakanyang ang panukalang inaprubahan ng Kongreso at naghihintay na lamang ng pirma ng Presidente para maging isang ganap na batas.

Back to Blog