Marcos: Tapusin na ang SSS controversy, humanap ng win-win solusyon para sa pensiyonado

Read the English version.

Hiniling ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tapusin na ang hindi pagkakasundo dulot ng pag-veto sa dagdag na umento sa buwanang pensyon mula sa Social Security System (SSS) at sa halip ay maghanap ng alternatibong paraan o “win-win solution” upang maibigay pa rin ang karagdagang pensyon.

Iminungkahi niya na ang pinaka-praktikal na solusyon ay ang pag-uusap ng lehislatura at ehekutibo at pagsasantabi ng pulitika imbes na ang pag-override sa veto ng Presidente.

“Ang hirap gawin ng override dahil two-thirds (votes) ang kailangan hindi lamang sa House (of Representatives) kundi pati sa Senado. So, mas maganda kung magkaisa pati ‘yung executive na maghanap ng paraan, win-win solution na pagandahin nga ang koleksyon, pagandahin ang investment para kayanin ‘yung P2,000 na dagdag,” sabi nya.

Ngunit nagpahayag din si Marcos na sana maging leksyon ito sa Presidential Legislative Liaison Office na mas pagbutihin pa ang trabaho nito upang maiwasan ang katulad na kontroberya sa susunod sa panahon.

“Dapat matuto dito ang PLLO dahil napaka-importante ang trabaho nito na maayos ang komunikasyon at koordinasyon ng ehekutibo at lehislatura. Lahat ng kontrobersiya na ito ay hindi dapat nangyari kung lahat ay naabisuhan ng mabuti ng PLLO,” sabi ni Marcos.

Ang PLLO na nasa ilalim ng Office of the President ay nilikha upang makipag-usap sa bawat sangay ng Kongreso sa lahat ng bagay tungkol sa pagpasa ng batas.

Hinimok din ni Marcos ang SSS na paigtingin pa ang koleksyon nito upang maibibigay nito ang karagdagang pagtaas ng pensyon na hinihingi.

“Ang problema sa management ng SSS ay ang koleksyon nila na napakababa na 65 percent, ang kanilang naging investments hindi naging maganda. Kaya’t sa palagay ko kung naging maganda ang management, palagay ko kaya pa rin ang P2,000,” aniya.

Back to Blog