Marcos: Senado hindi gagaya sa Kongreso, walang ‘railroad’ sa BBL

BBM_7524PR

UMAASA si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., chairman ng Senate Committee on Local Government, na hindi gagayahin ng mga senador ang ginawa ng mga kongresistang miyembro ng ad hoc committee ng Kamara de Representantes sa Bangsamoro Basic Law (BBL).

Tinapos na noong Martes ng 75-member ad hoc committee ang line-by-line voting, na nag-umpisa noong Lunes, sa 109-page “working draft” ng BBL na binalangkas ni Rep. Rufus Rodriguez pero pinaniniwalaang galing sa Malakanyang dahil dalawang beses ipinatawag ni Pangulong Aquino III ang panel members at tinalakay ang BBL.

Agad umani ng batikos ang komite na mayorya ay kaalyado ng Pangulo at inaakusahang “ni-railroad” ang botohan upang makasama pa rin ang karamihan sa mga unconstitutional provision na mariing tinutulan noong una ni Rodriguez.

“I don’t think so because our senators are very independent-minded,” sagot in Marcos nang tanungin siya sa isang panayam sa radio kung maaari bang ma-railroad ang BBL sa Senado.

Noong Miyerkules, tuluyan nang inaprubahan ng panel, sa botong 50-17 at isang abstention, ang BBL.

Ayon kay Marcos, mismong ang mga senador ang humiling sa kanya na busisiin at pag-aralang mabuti ang BBL draft na isinumite ng Malakanyang sa Senado upang aprubahan.

“We are in constant communication with each other and I think that it is evident that some provisions need amendment and my fellow senators would support appropriate changes,” ayon dito.

Gayunpaman, hinala ng senador na sasang-ayunan pa rin sa bandang huli ng mga senador na kaalayado ng Pangulo ang draft ng Palasyo.

Ilan sa pinaniniwalaan ni Marcos na dapat amyendahan ay ang probisyon hinggil sa constitutional bodies, ang “op-in” provision at ang tungkol sa Bangsamoro police.

Sinabi rin nito na hindi siya natitinag sa kanyang paninindigan na hindi dapat pabilisin ang pag-aapruba sa BBL bagama’t may billboard na lumabas at media campaign na hindi sang-ayon sa kanya.

“Nobody has told me what to do. There were only reminders not to stop so we could not be seen as delaying the process. That’s why we have hearings (on BBL) practically every week,” ani Marcos.

Sinabi nito na agad niyang isusulat ang committee report para sa BBL kapag natapos na ang hearing ng kanyang komite sa Mayo 25 para sa Sultanate of Sulu at ang pinakahuli sa June 3 para naman sa mga local government official ng mga probinsya at bayan na maaapektuhan ng BBL.

Nauna nang sinabi ng senador na dapat ay “all-inclusive” ang maisasabatas na BBL upang ito ay maging katanggap-tanggap.

Nawalan ng kumpiyansa ang publiko sa isinusulong na BBL matapos ang January 25 Mamasapano incident kung saan 44 na Special Action Force ng Philippine National Police ang namatay sa kamay ng Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at iba pang armed groups.

Sinabi ni Marcos na ang madugong insidente ay nagbigay daan upang mabigyan ng atensyon ng publiko ang BBL.

Back to Blog