Marcos Sa COMELEC, AFP/PNP: Wag abusuhin ang checkpoints

Read the English version.

Pina-aalalahanan ngayon ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police na siguraduhin na hindi magamit ang mga checkpoints sa pang-aabuso sa gitna ng umiiral na gun ban.

Sinabi ni Marcos na dapat may safety precautions upang maiwasan na ang mga ordinaryong mga mamayan ay maging biktima ng abusadong pulis o sundalo na nakatalaga sa mga checkpoint.

“Kami ay nakakuha ng mga reklamo ng mga pang-aabuso noong nakaraang mga election period sa mga checkpoint na ito. Ito ay mahalagang parte ng ating eleksyon upang maging mapayapa ito, at hindi dapat ito maging daan upang ang pang-aabuso ay magawa,” sabi ni Marcos.

Sinabi nya na importante na ang mga tatao sa checkpoint ay alam ang kanilang mga limitasyon sa pagpapatupad ng batas at dapat din alam ng mga motorista ang kanilang mga karapatan.

Tinuran ni Marcos na ayon sa COMELEC Resolution 10029 o ang Guidelines sa Checkpoints, hindi maaring i-obliga ang mga motorista na lumabas o bumaba sa kanilang mga sasakyan o makapkapan kung walang sapat na dahilan o suspetsa na ang isang krimen ay nagawa na o ginagawa pa lamang.

Dinagdag pa ni Marcos na hindi maaring pilitin ang mga motorista na buksan ang glove compartment, trunk o bag sa kanilang sasakyan.

“Visual search ng mga sasakyan ang pu-pwede lamang gawin at ang mga pintuan ay hindi na dapat buksan. Ang mga taong nasa checkpoint ay hindi rin pwede mag-obliga sa ating mga kababayan na buksan ang kanila mga glove compartment, trunk o bags,” ani Marcos.

Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na lahat ng checkpoint ay may sapat na ilaw, may karatulang COMELEC checkpoint at ito ay dapat pinangangasiwaan ng mga unipormadong pulis o sundalo.

“Kapag tayo ay dumadaan sa mga checkpoint, tandaan natin na dapat malaman agad natin na ito ay isang COMELEC checkpoint dahil sa sapat at maliwanag na karatula. Ang ating mga kapulisan at kasundalohan ay dapat nasa tamang uniporme na kung saan ay nakikita ang kanilang mga ID tags,” sabi nya.

Dagdag pa nya, “Itong mga checkpoint ay kailangan natin at ang ating mga motorista ay dapat sumunod dito ng maayos pero dapat ay alam din nila ang kanilang mga karapatan at ito ay ipagtanggol nila kung kinakailangan. Para sa ating mga law enforcement officers, dapat ay maging magalang sila at itaguyod dapat ang batas sa lahat ng oras. Sundin natin ang batas.”

Back to Blog