Marcos paniwalang aprub kay PNoy ang retirement pay sa mga barangay tanod, health worker, day care worker

Kampante si Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na aprub kay Pangulong Aquino ang kanyang hakbang sa lehistratura na pabaunan ng benepisyo ang mga nagreretirong barangay tanod at iba pang manggagawa at opisyal ng barangay.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on local government, na malayo umanong isnabin ng Pangulo ang nasabing hakbang dahil sa ito ay malaking tulong sa mga lingkod ng barangay na maliit lamang ang tinatanggap kumpara sa sweldo ng ibang karaniwang kawani ng pamahalan.

“Siguro naman ang aking isinusulong na bigyan ng benepisyo ang mga nagreretirong mga tanod at ibang pang naglilingkod sa ating barangay ay susuportahan ng ating Pangulo,” ani Marcos.

Nauna rito, hinimok ni Marcos ang kanyang mga kapwa senador na agad aprubahan ang House Bill 6567 at Senate Bill 3187, sa ilalim ng committee report 601, na nagbibigay ng lump-sum retirement pay na katumbad ng one year honorarium ngunit hindi lalagpas sa P100,00 ang mga tanod, miyembro ng Lupon ng Tagapamayapa, barangay health worker at day care worker, at barangay official.

“Your committee on Local Government recognized the basic premise that barangay officials are inadequately compensated by the government, and thus there is a need to fill that inadequacy,” diin ni Marcos sa kanyang sponsorship speech.

Malinaw kay Marcos na wala umano dahilan upang ipagkait ng Pangulo ang kanyang suporta sa nasabing panukala.

Nakapaloob sa panukala na ang mga makakakuha ng retirement pay dapat 60 years of age at may minimum 9 years of service kapag sila ay nagretiro.

Kukunin ang pondo sa itatayong Barangay Retirement Fund (BRF) na babahagian ng 1 percent mula sa National Internal Revenue (IRA) share ng mga local government unit. Ang Department of Interior and Local Government ang mangangasiwa sa nasabing pondo.

Back to Blog