Marcos nagpasalamat sa grupong nagsusulong ng ALDUB pero iginiit ang tambalan kay Santiago

Read the English version.

Nagpasalamat ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga supporters niya na nagsusulong pa rin ng tambalan nila ni Davao Mayor Rodrigo Duterte sa kabila ng kanilang desisyon na magkaroon ng kanya-kanyang partner para sa 2016 elections.

Isang grupong nagsusulong ng ALDUB o “Alyansang Duterte-Bongbong” ang kasama sa mga sumipot sa Commission on Elections noong Martes kung kailan nag-file ng kanyang certificate of candidacy para sa Presidente si Duterte.

“Tahasan ko nang sinabi kung sino ang Presidente ko at iyon ay si Sen. Miriam Defensor Santiago,” pagdiin ni Marcos.

Nauna rito inamin ni Marcos na nilapitan niya si Duterte para hilingin ang endorso at suporta ng huli subalit nagbago umano ang sitwasyon nang magpasiya nang tumakbo bilang Presidente ang Alkalde.

Sa kabila nito sinabi ni Marcos na nararapat lamang respetuhin ang pananaw ng kanyang mga supporter na naniniwala kay Duterte.

“Marapat lamang na igalang natin ang kanilang paniniwala. Bahagi ito ng ating demokrasya, ang hayaan ang taong-bayan na pumili ng mga lider na nais nilang mamuno sa bayan,” ani Marcos.

Back to Blog