Marcos: Maliit na negosyante, hindi handa sa Asean integration

Iginiit ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ngayon na ang mga small and medium enterprises (SMEs) o maliiit na negosyante sa Pilpinas ay hindi handa sa ASEAN integration dahil sa hindi sapat na suporta ng gobyerno.

Sa isang talumpati, sinabi ni Marcos na ang mga SMEs ang pinaka-maaapektuhang sektor sa ASEAN integration dahil sa kawalan na ng taripa na magbubukas sa ibang negosyante sa ibang bansa sa Southeast Asia upang makapagnegosyo dito. Tinuran ni Marcos na upang makalaban ang mga negosyante sa bansa sa Asean integration ay dapat bigyan sila ng maayos at maluwag na pautang mula sa bangko at ibang financial institusyon para mapaganda nila ang kanilang serbisyo at produkto.

Sa ganitong aspeto, sinabi ni Marcos na binigo sila ng gobyerno dahil marami sa kanila ang nahihirapan pa rin na makakuha ng loan at ibang pang uri ng tulong. “Malaki ang pagkukulang ng gobyerno sa pagtulong sa SMEs. Walang easy access sa kapital at sa kabila ng Asean integration, mahirap pa rin ang pag-access nito. Mas marami ang pagkukulang,” aniya.

Dinagdag pa ni Marcos na bukod sa problema sa pagkuha ng utang, ang mga kakulangan sa inprastraktura at mataas na presyo ng kuryente ay malaking balakid pa rin sa competitiveness ng SMEs sa bansa.

Tinuran din nya na walang kalaban-laban ang mga malilit na negosyante kung walang buong suporta ang gobyerno. “Ang ating bansa ay nagbukas na sa malalaki at mas malalakas na kumpanya galing sa ibang bansa at kung walang suporta ang gobyerno sa ating mga negosyante ay mapipilitan silang magsara,” ani Marcos.

Sinabi nya na ang ganitong sitwasyon ay magiging isang malaking trahedya sa bansa dahil 99.6 porsyiento ng negosyo ay mga SMEs na nagbibigay ng trabaho sa 70 porsyento sa buong labor force.

Ngunit sinabi na Marcos na hindi pa naman huli upang tulungan sila dahil may sapat ng batas at mga polisiya ang bansa upang magbigay sa kanila ng ayuda. “Madami tayong mga batas para sila ay tulungan at iyon ang dapat na mapatupad upang tulungan sila na maging mas malakas na global competition,” ani Marcos.

Dinagdag ni Marcos na ang pagpapaganda ng negosyo at skills training ay dapat din ipatupad upang maging competitive ang ating mga negosyante. “Kung tayo ay magkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating ekonomiya ay dapat isa na dito ang pagpapalakas sa SMEs dahil halos karamihan sa negosyo sa bansa ay SMEs at ngayon na may Asean integration ay dapat palakasin pa sila upang mamayagpag sila sa global market,” sabi ni Marcos.

Back to Blog