Marcos itinulak ang pagpapaliban ng Brgy. elections

Bunsod nang lumalawak na panawagan, hinikayat ni vice presidential candidate Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa Kongreso na ipasa sa lalong madaling panahon ang panukalang magpapaliban sa Barangay elections.

Sa pakikipagpulong sa mga Barangay Chairperson sa Malolos, Bulacan, hiniling ni Sen. Marcos, chairperson ng Senate Committee on Local Government, sa Kongreso na pakinggan ang panawagan ng nakararami na ipasa ang panukalang ipagpaliban ang halalan nakatakda sa Oktubre ngayong taon.

Binanggit nito, maari pang ipasa ng Kongreso ang batas dahil mayroon pang sesyon mula Mayo 23 hanggang Hunyo 10, 2016.

“Kapag nakapag-approve ang House of Representatives, sasalubungin ko agad sa Senado at wala na akong babaguhin. Aaprubahan ko agad at paaaprubhan ko sa aking mga kasamahan para mabilis,” wika Marcos.

Nabatid na may dalawang panukala ang nakasalang sa House of Representatives para sa naturang postponement.

Sinabi Marcos na ang postponement ay magbibigay-daan para mapag-aralan nang husto ang hiling ng Liga ng mga Barangay kung saan palawigin ang termino ng mga Barangay officials sa limang taon at may tatlong termino mula tatlong taon na may tatlong sunod na termino.

“Tulad ng ginawa namin sa Sangguniang Kabataan (SK), nagpasa kami ng batas at naipagpaliban ang October, 2014 election. At habang walang eleksyon, trinabaho at naisabatas namin ang SK Reform Law,” pagtatapos Marcos.

Back to Blog